863 total views
Ipinagpapasalamat ng Apostolic Vicariate ng San Jose Occidental Mindoro na walang ano mang pinsala o trahedya na idinulot ang paglindol pasado ala-una ng madaling araw, ika-27 ng Setyembre.
Ayon kay Rev. Fr. Rolando Villanueva, Social Action Director ng bikaryato na bagamat nabahala ang marami sa mga residente ay wala naman naitalang pinsalang ang paglindol.
“Since madaling araw wala naman kaming nabalitaan na nasirang bahay o whatsoever” naka-chat ko din yun Pari doon sa Looc at this moment wala daw naman epekto awa ng Diyos” pahayag ni Fr. Villanueva sa panayam ng Radio Veritas.
Naniniwala ang Pari na mahalaga na magkaroon ng kaalaman at kahandaan ang ating mga kababayan lalo na sa mga maaring maganap na paglindol.
Tiniyak ni Fr. Villanueva na bukas ang kanilang tanggapan at ang Apostolic Vicariate ng San Jose, Occidental Mindoro para sa ano mang maaring maitulong para sa pagpapalaganap ng impormasyon sa kahandaan sa paglindol.
Matatandaang ganap na ala-una dose ng madaling araw ng maramdaman ang magnitude 5.7 na lindol sa Looc, Occidental Mindoro kung saan naramdaman din ito sa Metro Manila at iba pang panig ng southern at Central Luzon.
Kaugnay nito, kamakailan lamang ay nagsimula na ng orientation ang Caritas Manila at Radyo Veritas sa ilang mga Parokya sa Archdiocese of Manila kung saan nagtayo ng mga based radio na magagamit sa panahon ng kalamidad gaya ng paglindol.
Layunin nito na magkaroon ng linya ng komunikasyon ang mga Parokya sa ilalim ng Arkdiyosesis sakali mang maganap ang pinangangambahan na “Big One” o malakas na paglindol sa Metro Manila at mga karating lalawigan.