517 total views
Ibinahagi ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na ang Linggo ng Banal na Awa ng Diyos ay isang paalala sa bawat mananampalataya.
Ayon kay Bangued Bishop Leopoldo Jaucian, Chairman ng Episcopal Commission on Youth ng CBCP, walang hanggang pagpapatawad ang sinasalamin ng Divine Mercy Sunday kaya’t inaanyayahan ng Simbahan ang bawat mananampalataya na isaisip at isapuso ang mithiin ng pagdiriwang ngayong araw na ito.
“Itong linggo ng Banal na Awa ng Diyos, pinaalala niya sa atin na walang kasalanan na hindi niya napapatawad, basta palagi nating sasambitin po ‘I trust in You’ Jesus the Divine Mercy,” pahayag ni Bishop Jaucian sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, ang pagkamatay ni Hesus sa krus ay nagpapakita ng Kanyang Dakilang Awa sa bawat isa dahil niyakap nito ang kamatayan upang matubos ang sanlibutan.
Bagamat nakalilimutan ng tao ang Diyos at naipagpapalit sa mga makamundo at materyal na bagay, nanatili si Hesus na nakagabay dahil bawat isa ay paulit-ulit na pinatatawad.
HABAG SA KABATAAN
Makabuluhan din ang naganap na pagwakas ng National Youth Day 2019 sa Cebu City sapagkat kasabay nito ang Divine Mercy Sunday.
Ayon kay Bishop Jaucian, ipinakikita lamang dito ni Hesus ang kaniyang walang hanggang pagmamahal lalo na sa kabataan kaya’t pinaalalahanan ang bawat isa na sundin ang kalooban ng Diyos.
“Una sa lahat, muling ipinakita ng Panginoong Hesus ang kanyang pagmamahal, ang kanyang awa kahit gaano man tayo kamakasalanan nandun pa rin ang walang sawang pagmamahal ng Panginoon Hesus,” ani ng pinuno ng CBCP – ECY.
Ang pahayag ng Obispo ay kasunod ng matagumpay na pambansang pagtitipon ng mga kabataan na nagsimula noong ika – 23 at nagtapos sa ika – 28 ng Abril sa kabila ng mga hamon at balakid na napagdaanan.
Dahil dito labis ang pasalamat ni Bishop Jaucian sa lahat ng indibidwal na nakiisa sa malawakang pagtitipon ng mga kabataan upang ipagdiriwang ang National Youth Day.
Sa tala ng NYD Committee mahigit sa 12, 000 mga kabataan ang nakilahok sa NYD kabilang na ang mga volunteers mula sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Cebu.
“So una sa lahat, sa lahat ng mga tumulong lalo na sa Archdiocese ng Cebu na pinangunahan ni Archbishop Jose Palma, daghang salamat and all those who contributed this success. Maraming salamat sa lahat ng tumulong at nagparticipate . Ang pagmamahal ng Diyos ang Divine Mercy nawa’y mananatili sa atin,” sinabi ni Bishop Jaucian.
Ang susunod na National Youth Day ay gagapin sa Arkidiyosesis ng Nueva Caceres sa rehiyon ng Bicol sa 2021.