15,490 total views
Hinikayat ni Pope Francis ang mga lingkod ng simbahan sa Indonesia na paigtingin ang misyong paglingap sa kawan maging ng mga hindi binyagan.
Ito ang pahayag ng santo papa sa pakipagpulong sa mga pari, obispo, madre at mga relihiyoso sa rehiyon sa nagpapatuloy na Apostolic Journey sa Indonesia.
Binigyang diin ni Pope Francis ang tema ng kanyang Apostolic Visit na ‘Faith, Fraternity, Compassion’ na mga katangian sa paglalakbay bilang isang simbahan.
“I encourage you to continue your mission by being strong in faith, open to all in fraternity and close to one another in compassion. Strong, open and close, with the fortitude of faith,” ani Pope Francis.
Batid ng pinunong pastol ang pagiging mayaman sa likas na yaman ng Indonesia na tanda ng pagiging kaisa ng Diyos sa kanilang paglalakbay at pagpapadama ng diwa ng pag-ibig sa sangkatauhan.
Gayundin ang panawagan ng kapatiran sa bansa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng pananampalataya, kultura at tradisyon ng mamamayan.
Sa datos minorya lamang ang mga katoliko sa Indonesia sa tatlong poryento ng mahigit 200 milyong populasyon o nasa walong milyon lamang ang binyagang katoliko.
Bagamat magkakaiba ang pananaw ng mamamayan ay hinikayat ni Pope Francis ang mga lider ng simbahan sa Indonesia na paigtingin ang mga hakbang at programang lumilingap sa bawat tao sa bansa.
Tinuran ni Pope Francis ang Mahal na Birheng Maria bilang huwaran ng pananampalataya na buong katapatang sumunod sa kalooban ng Diyos at tumutulong sa sangkatauhan upang mailapit ang landas tungo kay Hesus.
Bukod sa mga lingkod simbahan ng Indonesia nakiisa rin sa pagtanggap kay Pope Francis sa Our Lady of the Assumption Cathedral sa Jakarta sina Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza at Sorsogon Bishop Jose Allan Dialogo.
Kabilang naman sa delegasyon ni Pope Francis sa kanyang 45th Apostolic Visit sa Asia-Ocenia region si Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle na kanyang katuwang sa Dicastery for Evangelization.
Sa mahigit isang dekadang panunungkulan ni Pope Francis sa mahigit isang bilyong katoliko sa mundo ito na ang pinakamahabang apostolic trip na umaabot sa 12 araw sa mga bansang Indonesia, Papua New Guinea, Timor Leste at Singapore.