243 total views
Mga Kapanalig, inilabas na ng Special Investigation Task Group 990 (o SITG 990) ng Philippine National Police (o PNP) ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa hinihinalang cover-up o pagtatakip ng pulisya upang hindi maaresto si Police Master Sergeant Rodolfo Mayo. Nadakip si Mayo sa isang operasyon noong Oktubre 2022 sa Maynila kung saan nasabat ang 990 na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit 6.7 milyong piso.
Muling nabuksan ang kaso nang lumabas ang desisyon ng PNP na tangggalin sa serbisyo si Mayo nitong Marso lamang, limang buwan matapos ang operasyon. Ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (o DILG) Secretary Benhur Abalos na imbestigahan ang mga posibleng iregularidad at anomalya sa kaso ni Mayo. Noong Abril 10, isiniwalat ni Abalos na mayroong “massive attempt” upang pagtakpan ang pagkakaaresto kay Mayo. Pinangalanan niya rin ang sampung pulis na may matataas na ranggo na sangkot umano sa sinasabing cover-up. Kung hindi sila kusang-loob na mag-leave, masususpinde ang mga pulis. Ani Abalos, sapat ang ebidensya ng DILG upang magsampa ng reklamo laban sa mga pulis.
Nanatiling tikom ang mga opisyal ng PNP sa isyu hanggang nitong Abril 13 kung saan ibinahagi ng SITG 990 ang resulta ng kanilang hiwalay na imbestigasyon. Ayon sa kanila, mayroong 49 na pulis na sangkot sa nasabing cover-up. Kabilang sa kanila ang mga heneral, colonel, at hanggang sa patrolmen at women. Ibig sabihin, mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababang ranggo ng pulisya ay mayroong sangkot. Hanggang ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP.
Marami ang nababahala sa isyung ito lalo na’t sangkot ang mga frontliners ng pamahalaan sa giyera kontra iligal na droga. Libu-libo ang namatay sa giyerang ito sa ilalim ng administrasyon Duterte. Ang pamilya ng mga biktima ay patuloy na nanawagan para sa hustisya. Patuloy din ang mga hakbang kontra iligal na droga sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. Sa katunayan, inilunsad noong nakaraang taon ang “Buhay ay Inagatan, Droga’y Ayawan” (o BIDA) program sa bawat barangay. Layunin daw ng programang itong pababain ang demand o pagtangkilik sa iligal na droga.
Paano magiging matagumpay ang BIDA program kung mismong matataas na opisyal ng pulisya ang sangkot sa mga isyu ng anomalya at iregularidad na may kinalaman sa droga? Makaaasa ba tayong makakamit ng mga namatay sa war on drugs ang katarungan kung malawakang nangyayari ang pagtatakip sa mga kasong sabit ang mga pulis? Makakamit kaya natin ang isang malinis at mapagkakatiwalaang kapulisan? Sana naman.
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahang ang kagalingan ng tao ang pangunahing dahilan ng pamamahala, kasama rito ang kapulisang dapat maglingkod para sa ating kaligtasan. Layunin ng pamamahalang siguruhing nakakamit ng taumbayan ang kabutihang panlahat o common good. Batay ito sa mahalagang tungkulin ng pamahalaang protektahan at itaguyod ang dignidad at mga karapatan ng bawat tao. Isinusulong ng pamahalaan ang dignidad ng tao at kabutihang panlahat kapag nagpapatupad ito ng mga patakarang magbubunga ng malayang pagsasabuhay ng taumbayan ng kanilang mga karapatan. Samakatuwid, kagalingan ng tao ang nangungunang layunin ng pamamahala.
Kaya maituturing na seryosong pagyurak sa dignidad ng tao at taliwas sa tunay na hangarin ng pamamahala ang mga iregularidad at anomalya sa kapulisan. Hindi magtatagumpay ang anumang programa nila kung sumasalungat ang mga nagpapatupad ng batas sa hangaring tunay na maglingkod sa taumbayan. Malabo ring makamit ang katarungan kung mananatali ang bulok na sistema sa ahensya.
Mga Kapanalig, bantayan natin ang isyung ito sa ating kapulisan. Patuloy tayong manawagan para sa malinis na kapulisan at mga tunay na lingkod-bayang katulad ni Hesus na, “naparito hindi para paglingkuran, kundi upang maglingkod,” ayon nga sa Marcos 10:45.
Sumainyo ang katotohanan.