43,643 total views
Nagpapasalamat si Fr. Jayson Siapco sa kanyang pagkakahalal bilang bagong kinatawan ng lahat ng social action center directors ng 86-diyosesis sa buong bansa.
Ayon kay Fr. Siapco, na siya ring kasalukuyang direktor ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission, Inc. (LASAC), ang kanyang panibagong tungkulin bilang Social Action Network (SAN) representative ay misyong ipinagkaloob ng Diyos upang maging tagapamagitan ng kapwa SAC directors sa social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Kaugnay ng pagkakahalal bilang kinatawan ng SAN, si Fr. Siapco ay bahagi na rin ng Board of Trustees ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace o mas kilala bilang Caritas Philippines.
“My role there is to represent the whole social action network. And these calls for understanding—anong sitwasyon ng bawat lugar, proper coordination sa iba’t ibang social action. Kumbaga ako ‘yung magiging tinig, mata, tainga, at kamay nila sa management ng Caritas Philippines,” pahayag ni Fr. Siapco sa panayam ng Radio Veritas.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Fr. Siapco sa kanyang pinalitang SAN representative na si Fr. Clifford Baira, na siya namang kasalukuyang SAC director ng Archdiocese of Cotabato.
Hinihiling naman ng pari sa mga kapwa direktor ang patuloy na pakikipagtulungan at maayos na ugnayan upang mapagtuunan ang mga pangangailangan ng bawat diyosesis sa iba’t ibang aspeto lalo na sa pagtulong sa mga higit na nangangailangan.
“Maraming salamat sa tiwalang ibinigay ng mga kapwa direktor ko, mga pari at layko na direktor ng mga social action network ng buong Pilipinas. Salamat sa tiwala at ang aking hihilingin sa kanila ay constant communication sa akin at open communication para mas madala natin ‘yung mga concerns natin sa Caritas [Philippines],” ayon kay Fr. Siapco.
Si Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang kasalukuyang pangulo ng Caritas Philippines at chairman ng CBCP-ECSA-JP, habang executive director at secretary naman si Fr. Antonio Labiao, Jr.