142 total views
Umapela ng pang-unawa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay sa patuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Sa pahayag ng Pangulo sa The Outstanding Filipino TOFIL Awards kung saan isa sa ginawaran ng naturang parangal si Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Rev. Fr. Anton CT Pascual.
Ipinaliwanag ng Pangulo, na ang kasalukuyang mataas na turn-out ng mga nahuhuli at napapatay na mga drug personalities sa war on drugs ng pamahalaan ay bunsod ng napabayaang sitwasyon ng nakaraang administrasyon patungkol sa ipinagbabawal na gamot.
Kaugnay nito, isang listahan pa ang aktuwal na ipinakita ng Pangulo kung saan nilalaman aniya nito ang mga pangalan ng nasa 180 mga pulis, 700 mga barangay captains, city mayors, governors at iba pang public officials na sangkot at may kinalaman sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon sa mga Pangulo, ito ang mga listahan na nakahanay na papanagutin ng pamahalaan sa batas na lumapastangan sa buhay ng mga inosenteng mamamayang nalulong at naging alipin ng ipinagbabawal na gamot.
Kaugnay nito, Ayon sa United Nations World Drug Report, ang Pilipinas ang may pinakamataas na paggamit ng Shabu sa East Asia kung saan ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency 92-porsyento ng mga barangay sa Metro Manila at 1/5 naman ng mga barangay sa buong bansa ay apektado ng ipinagbabawal na gamot.
Nauna na ring inihalintulad ng Kanyang Kabanalan Francisco na bagong uri ng pang-aalipin ang drug addiction na dapat tugunan ng bawat bansa sa pamamagitan ng edukasyon at rehabilitasyon kung saan ang mga lulong sa droga ay mga biktima na nawalan ng kalayaan dahil sa pang-aalipin ng ipinagbabawal na gamot.