188 total views
Livelihood at trabaho ang pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan ng Marawi City na matinding naapektuhan ng digmaan.
Ito ang inihayag ni Father Teresito Soganub – Vicar General at Chancellor ng Prelature of Marawi matapos gunitain ang isang taong anibersaryo ng paglaya ng Marawi City mula sa mga teroristang Maute Isis.
Ayon sa pari, nasira ang normal na daloy ng buhay ng mga Maranao dahil sa naranasan ng mga ito na giyera at displacement kaya naman hirap ang bawat isa na itaguyod muli ang kanilang mga sarili o buong pamilya.
“Ang mga pangangailangan nila dahil nawalan sila ng Trabaho so malaking pangnangailangan nila yung livelihood at saka nawalan na silang tirahan so saan sila mag shelter, nasira din yung normal nila, normal ways in life na kahit na mahirap sila, nagtatrabaho sila, may amo sila, may uuwian sila, pero dahil sa Giyera din wala din nahihirapan silang magsimula,” pahayag ni Father Soganub sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Pari, kinakailangan din ng Psychological Intervention ng marami sa kanilang mamamayan dahil sa malalim nitong mga karanasan sa digmaan.
Inamin ni Father Soganub na maging siya ay hindi pa lubusang naka-recover mula sa trauma na dulot ng kanilang pagkakabihag.
Sinabi ng Pari na bagamat tuloy-tuloy ang suporta ng Simbahang Katolika ay kinakailangan parin nila ng dagdag pang tulong mula sa pamahalaan para sa psychological intervention ng iba pang mga Maranaw na na-trauma sa giyera.
“Patuloy pa nag i-struggle to recover, patuloy pa yung recovery at yun nga, sarili lang namin, wala pa kaming maraming assistance from the Government or what, so kami-kami lang ang nagsusuport ng sarili namin, but well that’s life we have to find ways to recover. Ang Church din ang nag a-assist ng mga needs para sa medication at saka yung ibang mga needs namin.” Dagdag pa ng Pari.
Matatandaang Oktubre 17, 2018 nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglaya ng siyudad ng Marawi mula sa Maute-Isis terrorist group.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 20,000 mga mamamayan ng Marawi ang hindi pa rin nakababalik sa kanilang mga tahanan.