575 total views
Tiniyak ng Living Laudato Si Philippines ang pakikiisa sa paggunita ng Economy of Francesco (EOF) sa Setyembre.
Ayon kay Rodne Galicha-executive director ng Living Laudato Si Philippines, ito ay sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga programa sa huling linggo ng Setyembre, kabilang na ang pagtitipon ng mga kabataan, economic leaders at expert upang talakayin ang Francesco economics.
“Magkikita-kita rin sa iba’t ibang platforms ang mga Pilipinong naging aktibo sa Economy of Francesco upang pag-aralan at pagkilusan ang kasalukuyang mga hamon sa environmental sustainability dito sa ating bansa,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Galicha sa Radio Veritas.
Ang talakayan ay gaganapin sa pamamagitan ng Zoom Conference na maaring matunghayan sa official Facebook page ng Living Laudato Si Philippines.
Pangunahing layunin ng pagtitipon na ipaalam sa publiko ang mga suliranin ng pamayanan at nararanasang paniniil ng malalaking korporasyon na nakakasira pa sa mga likas na yaman ng Pilipinasa.
“Bibigyang diin rin ang kahalagahan ng komunikasyon lalung-lalo na ang mga kuwento ng mga pamayanang lubos na nagdurusa dulot ng mga negosyo’t industriyang sinisira ang likas na yamang pinagkukunan ng kabuhayan,” ayon pa sa mensahe ni Galicha sa Radio Veritas.
Ang Francesco economics ay pandaigdigang inisyatibo na nilikha sa pangunguna ng Italian Economist na si Luigino Bruni.
Taong 2019 nang manawagan ang Kaniyang Kabanalang Francisco sa mga kabataan at economic leaders sa buong mundo na lumikha ng bagong paraan nang hindi nakatuon sa ‘kita’, sa halip ay pagbibigay halaga sa mga nangangailangan at sa kalikasan.
Ngayong taon, September 22-24 ay isasagawa ang kauna-unahang face-to-face conference sa Assisi Italy matapos ang dalawang taon pagdaraos online dahil sa banta ng COVID-19.
Sa huling araw ay inaasahan ang pagdalo ni Pope Francis upang makipag-diyalogo sa mga kinatawan ng mahigit 100-bansa delegado ng pagtitipon.