347 total views
Umaasa ang Living Laudato Si – Philippines na maging isang epektibong pastol ang bagong talagang Arsobispo ng Maynila, ang Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula sa pagpapahalaga sa ating inang kalikasan.
Tiwala si Rodne Galicha, Executive Director ng grupo na paiigtingin ni Cardinal Advincula ang pagbibigay-pansin at halaga sa mga katutubong Pilipino na higit na apektado ng pang-uusig at pinapaalis sa mga minanang lupain bunsod ng mapanirang hangarin ng pag-unlad.
“We’re hopeful sa pagkatalaga kay Cardinal Jo na maging Arsobispo ng Maynila. ‘Yung kanyang mga positions lalong lalo na dun sa mga katutubo natin doon sa Panay [Island], isa ‘yun sa mga pahiwatig na ‘yung kanyang advocacy para sa kalikasan at sa mga katutubo ay nandyan,” bahagi ng pahayag ni Galicha sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag ni Galicha na naaangkop ang Episcopal motto ni Cardinal Advincula na “Audiam” na nangangahulugang ito’y handang makinig, sa mensaheng nakasaad sa ensiklikal na Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco hinggil sa pakikinig sa hinaing ng mundo at mga mahihirap.
Paliwanag ni Galicha na bagamat malaking hamon ang pakikinig, ito nawa sana’y maging instrumento ng Cardinal upang lalo pang mapakinggan ang hinaing ng kalikasan sa gitna ng patuloy nitong pagkasira dulot ng kapabayaan ng mga tao at pagbabago ng klima.
Gayundin ay marinig ang bawat hinaing ng mga mahihirap na lubhang apektado ng pagbabago sa kapaligiran lalong lalo na ng patuloy na umiiral na pandemyang dulot ng COVID-19.
“Hopeful ang Living Laudato Si Philippines at lalong lalo na dahil ang kanyang motto ay “Audiam”- siya ay makikinig. Tamang-tama ‘yan sa mensahe ng Laudato Si na we need to listen to both cries of the earth [and] the cry of the poor. Ang pakikinig ay malaking hamon na dapat magbibigay ng boses sa mga hinaing at pagtangis ng kalikasan lalo na ng mga maralita.” saad ni Galicha.
Si Cardinal Advincula ay kilala rin bilang makakalikasan at dalubhasa sa iba’t ibang uri ng matatandang punong-kahoy, kaya pinangarap nitong magkaroon ng isang hardin na nakatalaga mismo sa mga matatandang puno.
Ito ang iniwang pamana ng Cardinal sa Arkidiyosesis ng Capiz bago ito umalis patungong Maynila, kung saan pinangunahan nito ang paglulunsad sa Cardinal Jose Advincula Grove of Philippine Native Trees na mayroong 45-uri ng native trees na sumisimbolo sa ika-45 taon ng paglilingkod nito.
Hunyo 24, 2021, nang maganap ang makasaysayang pagtatalaga kay Cardinal Advincula bilang ika-33 Arsobispo ng Arkidiyosesis ng Maynila sa pangunguna ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown.