434 total views
Ang ating bansa ay mayabong sa likas na yaman na maaari nating magamit bilang source of energy, gaya ng hangin, tubig, at ang araw. Ang mga ito ay napaka-inam na source of energy – hindi lamang sapat na kuryente ang maaaring ihatid nito sa ating bansa, magdudulot din ito ng sustainability, tutulong sa pagkilos laban sa epekto ng climate change, at magpapalawak ng access to energy.
Sa ating bansa kapanalig, lalo na sa mga syudad, kapag renewable energy ang pinag-uusapan, ang pinakamatingkad na ganansya na ating nakikita ay ang pagtitipid sa pagbabayad ng kuryente. Pero kapanalig, sa mga rural areas ng ating bayan, ang renewable energy ay liwanag at pagasa. Marami pa sa ating mga remote areas ang kulang access sa sapat na kuryente, na isa sa mga salik sa paglago ng kabuhayan at ng ekonomiya.
Tinatayang 12% pa ng populasyon ng ating bansa ang walang access sa elektrisidad. Halos lahat sila ay nakatira sa mga remote at rural areas kung saan mahirap abutin ng ating national grid network. Kung may kuryente man sila, mga apat hanggang anim na oras lamang ito. Sa mga siyudad, halos 100% na ang electrification rate, pero sa mga rural at remote areas natin, 41% lamang. Marami sa kanila, naka-depende na lamang sa diesel generators para magkaroon ng kuryente.
Ang mga diesel generators kapanalig, ay maraming masamang epekto—sa katawan tao at sa kalikasan. Sa katawan ng tao, masama ang epekto nito sa ating cardiovascular at respiratory health. Sa ating kalikasan, nagdudulot ito ng polusyon sa hangin, tubig, at lupa. Ang mga emisyon nito ay nag-aambag sa pagbilis ng climate change. Ang diesel generators, mapanganib na sa katawan ng tao at kalikasan, ay mahal pa, kapanalig.
Kung ating maha-harness ang renewable energy, ating mabibigyan ng mas sustainable, mas ligtas, mas malinis, at mas reliable na enerhiya ang ating mga kababayan sa mga remote at rural areas. Kung ating nagawa ito, ating mapapalago ang buhay, kabuhayan, at ekonomiya sa maraming mga rural areas sa ating bansa.
Ang paggamit ng renewable energy ay makatarungan at kongkretong ebidensya ng pagmamahal sa tao at kalikasan. Ilang beses nang nanawagan si Pope Francis para sa transition ng buong mundo tungo sa clean energy. Ayon nga sa Laudato Si: There is an urgent need to develop policies so that, in the next few years, the emission of carbon dioxide and other highly polluting gases can be drastically reduced, for example, substituting for fossil fuels and developing sources of renewable energy. Kapanalig, magawa sana natin ito sa ating bansa sa lalong madaling panahon, para sa kabutihan at kaunlaran ng ating bayan. Ang liwanag mula sa renewable energy ay katumbas ng pagasa at kaunlaran para sa maraming kabahayan sa ating bansa, na hanggang ngayon ay nagtitiis sa di sapat na access sa kuryente.
Sumainyo ang Katotohanan.