412 total views
Nanawagan ang ‘consumer group’ sa mga negosyante laban sa pagtataas ng presyo ng mga ‘Noche Buena Products’ sa papalapit na pagdiriwang ng Pasko.
Ayon kay Laban Konsyumer Incorporated (LKI) President Atty.Victoriano Dimagiba, hindi makatwiran ang pagtataas ng presyo lalo’t patuloy na nararanasang pandemya.
Tinukoy din ni Dimagiba ang pagdruusa ng publiko patuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo.
“Di makatwiran ang taas presyo ng noche buena products dahil hikahos ang mga konsyumers sa taas presyo ng gas at diesel. Madami pa din ang di nakabalik sa hanapbuhay” pahayag ni Dimagiba sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng LKI ay kasunod ng ulat ng Department of Trade and Industry (DTI) sa isinusulong na price hike ng mga manufacturers ng Cream, Pasta, Tomato Sauce at Hamon.
Noong nakalipas na taon ipinatupad ng DTI ang ‘price freeze’ sa mga Noche Buena products dulot na rin ng epekto ng pandemic novel coronavirus lalo’t maraming Filipino ang nawalan ng pagkakakitaan.
Tiniyak din ng DTI ang patuloy na pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing produkto sa merkado kasabay ng paalala sa mga pamilihan na sundin ang isinapublikong suggested retail price ng mga pangunahing bilihin noong August 29 2021.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika, bagama’t hindi tutol ang simbahan na kumita ang mga negosyante subalit dapat isaalang-alang ang kalagayan ng mamamayan lalu na ang mga dukha.