239 total views
Problema sa implementasyon sa lokal na sangay ng pamahalaan ang naantalang paglilinis ng Laguna lake.
Ayon kay Msgr. Jerry Bitoon, Ecology Ministry head ng Diocese of San Pablo, Laguna, may ibang interes ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan na naging hadlang sa adhikain ng Pangulong Duterte na linisin ang lawa para sa kabuhayan ng mga mangingisda.
“Sa baba [local government], mukhang wala yung masyadong political will, baka sa Malacañang meron pero pagdating na sa baba who should be implementing or who should be doing kung ano man yung dapat gawin ay lagi silang missing link,” pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ni Msgr. Bitoon na tila nagpakitang gilas lamang ang Laguna Lake Development Authority kay President Duterte nang baklasin ang ilang fish pens at cages sa lawa noong nagsisimula pa lamang ang termino ng Pangulo.
Gayunman umaasa pa rin ang Pari kaisa ang kanyang mga kababayan na muling bibigyang pansin ng Pangulo sa kanyang ikalawang State of the Nation Address ang suliranin ng maliliit na mga mangingisdang umaasa sa lawa ng Laguna.
“We are still hoping na muling pasadahan yan at upang makita ulit natin after a year kung ano nga talagang nangyari na. nandun pa naman yung pag-asa,” dagdag pa ni Msgr. Bitoon.
Sa sukat na 90,000 hektarya, ang Laguna de bay ang pinakamalaking lawa sa Pilipinas, ngunit 20 porsiuyento nito ay ginagamit ng mga pribadong korporasyon at mga indibidwal na negosyanteng nagpapatakbo at namamahala ng malalawak na fish pens.
Matatandaang ipinangako ni Pangulong Duterte sa kanyang unang SONA noong nakaraang taon ang pagbawas sa lugar na sakop ng mga pribadong fishpens sa Laguna de Bay upang mabigyan ng higit na pagkakataon ang mga mangingisdang makinabang sa biyaya ng lawa.
Dahil dito, plano ng Department of Environment and Natural resources – National Anti-Environmental Task at LLDA na malinis ang 13,000 hektarya bago ang ikalawang SONA ni President Rodrigo Duterte ngayong Hulyo.