406 total views
Hindi pangkaraniwan kundi isang mahalagang pagbubuklod ng mga lokal na simbahan ang ‘sinodo’ ayon kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Ito ang pagninilay ng cardinal sa misang ginanap sa San Carlos Seminary sa paggunita ng kapistahan ni St. Charles Borromeo.
Ayon pa kay Cardinal Advincula, makabuluhan ang isinusulong ng Kanyang Kabanalan Francisco na Synod of Bishops on Synodality kung saan hinimok ang mananampalataya na maging bahagi sa pagpupulong.
“A synod is not simply a meeting or a gathering it is about walking together; San Carlos in his pastoral ministry showed us that synodality is walking together and acting together,” bahagi ng homiliya ni Cardinal Advincula.
Iginiit ni Cardinal Advincula na bawat isa ay bahagi sa pagpupulong bilang iisang katawan ni Kristo ang mananampalataya na bumubuo ng simbahan.
Kinilala si San Carlos Borromeo sa malaking ambag ng ‘reformation’ng simbahan makaraan ang Council of Trent kung saan isinusulong ang pagtatatag ng mga seminaryo para sa systematic formation at pagsasanay ng mga magiging pastol ng simbahan.
Ginunita rin ni Cardinal Advincula na taong 1702 nang itatag ng Hari ng Espanya ang San Carlos Seminary sa Manila bilang ‘conciliar seminary’.
“San Carlos Seminary is a product of Council of Trent, is indeed a fruit of synodality; May every Karlista lead and live the synodal way,” ani ng Cardinal.
Ang San Carlos Seminary ang kauna-unahang diocesan seminary sa bansa na naghubog ng mga paring Filipino.
Muling tiniyak ni Cardinal Advincula na bilang punong pastol ng arkidiyosesis ay nakahandan itong makinig sa mananampalataya upang maging mabunga ang paglalakbay ng arkidiyosesis bilang simbahan.