448 total views
Patuloy ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission, Inc. (LASAC) sa pagsasagawa ng mga paghahanda at pagtulong sa mga apektado ng pagliligalig ng bulkang Taal.
Ayon kay Renbrandt Tangonan, Communications and Advocacy Officer ng LASACkanila nang natapos ang localized evacuation guidelines para sa mga parokyang sakop ng Arkidiyosesis na maglalaan ng kanlungan sa mga ililikas na residente sakaling umabot sa Alert Level 3 ang pagliligalig ang bulkang Taal.
“Itong guidelines na ginawa natin ay may mga instructions din for referral pathways and safety measures against COVID infestation sa mga evacuation areas,” pahayag ni Tangonan sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi pa ni Tangonan na katatapos lamang din ng kanilang assessment at validation sa humigit-kumulang 100 benepisyaryo ng Oplan Panumbalik Tahanan.
Ito ay proyekto ng Arkidiyosesis sa pangunguna ng LASAC bilang bahagi ng early recovery efforts para sa mga residenteng nakaligtas at nawalan ng tahanan noong maganap ang phreatic eruption ng bulkang Taal noong Enero 2020.
“Mayroon na rin tayong nabiling three hectares ng lupa para sa pabahay ng mga survivors, however, on hold muna indefinitely per advised ng PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) due to increased unrest ng Taal Volcano,” pagbabahagi ni Tangonan.
Samantala, batay sa huling ulat ng PHIVOLCS, walang naitalang pagyanig sa paligid ng bulkang Taal sa nakalipas na 24-oras.
Ngunit, nananatili pa ring nakataas sa Alert Level 2 o Increased Unrest ang bulkan kaya mahigpit pa ring ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa Taal Volcano Island at Permanent Danger Zone.