200 total views
Isantabi muna ang social media tulad ng facebook, instagram at twitter bilang paraan ng pagsasakripisyo ngayong Kuwaresma.
Ito ang panawagan ni Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity sa mananampalatayang Katoliko.
Ayon sa Obispo, sa halip ay gugulin ang oras na inilalaan sa social media sa pamamagitan ng pananalangin at pagninilay.
“Puwede rin sa facebook o social media kaya nga maganda nga instead of a pagbabantay sa Facebook o sa TV magdasal muna tayo o magbasa ng Bible o makipag-usap sa isang may sakit. So yang mga bagay ba na what you denied to yourself you give to the others.’Yan yung mahalaga i-connect natin yan,” ayon kay Bishop Pabillo sa programang Pastoral Visit sa Radio Veritas.
Ang pagpipigil sa mga bagay na labis nating kinagigiliwan tulad ng social media ay maaring isang paraan ng pagsasakripisyo at pagdidisiplina sa sarili.
Sa ulat ng We Are Social sa taong 2019, higit sa 10 oras ang average time na ginugugol ng mga Filipino sa paggamit ng social media.
Una na ring nagbabala ang Santo Papa Francisco sa panganib na dulot ng makabagong teknolohiya kung ito ay maaabuso at hindi gagamitin sa mabuting gawain.
Sa isang dokumento ng Vatican na may titulong Church and the Internet, sinasabing mahalagang magamit ng simbahan ang makabagong teknolohiya tulad ng internet upang ipahayag ang misyon ng Panginoon para sa kabutihan ng mas nakakarami.