740 total views
Hinimok ni Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales ang mamamayan na ipagpatuloy ang paggawa ng kabutihan sa kapwa.
Ito ang mensahe ng cardinal sa pagdiriwang ng kanyang ika-90 kaarawan na kanyang ipinagpasalamat sa Panginoon dahil sa kalakasan at kalusugan na tinanggap.
Sa panayam ng Radio Veritas sinabi ni Cardinal Rosales na mahalagang gumawa ng kabutihan upang matanggap din ng tao ang biyaya at pagpapala mula sa Diyos.
“Ipagpatuloy ang mga gawaing makatutulong sa ating kapwa sapagkat ito’y napakahalaga sa mata ng Diyos,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Rosales sa Radio Veritas.
Pinasalamatan din ng dating arsobispo ng Maynila ang patuloy na pagpapalang tinanggap lalo na sa kanyang misyon bilang lingkod ng simbahan.
Inilunsad noon ni Cardinal Rosales ang Pondo ng Pinoy program para sa mga mahihirap na komunidad sa pamamagitan ng bente singko sentimos kung saan marami ang natutulungang mamamayan lalo na ang mga nabiktima ng kalamidad.
Apela ng cardinal sa mamamayan na suportahan ang programa bilang daluyan ng biyaya tungo sa mahihirap na pamayanan.
“Ang Pondo ng Pinoy ay ganyan sinisikap gawin sa araw-araw ang paglingap sa nangangailangan sapagkat ayon nga sa pilosopiya nito ‘Anumang magaling magaling kahit maliit basta’ t malimit ay patungong langit’. Ito ang dapat nating gawin suportahan ang mga programang makatutugon sa pangangailangan ng kapwa,” dagdag pa ni Cardinal Rosales.
Si Cardinal Rosales ay naordinahang pari ng Archdiocese of Lipa noong 1958, itinalagang Auxiliary Bishop ng Archdiocese of Manila noong 1974, naging obispo ng Malaybalay taong 1982, itinalagang arsobispo ng Lipa noong 1992 bago maging arsobispo ng Maynila nang 2003 at naging Cardinal noong 2006 sa pamamagitan ni Pope Emeritus Benedict XVI.
Sa kanyang ika-90 kaarawan ay naglingkod ang cardinal ng mahigit anim na dekada sa simbahan, 64 na taon sa pagiging pari, 47-taon bilang obispo at 16-taon sa pagiging Cardinal.
Ginanap ang thanksgiving mass ni Cardinal Rosales sa St. Francis de Sales Regional Seminary sa Lipa City Batangas na dinaluhan ng mga kaanak gayundin ang iba pang mga obispo at pari mula sa iba’t ibang diyosesis.