424 total views
Tiniyak ng Diyosesis ng Tagbilaran ang pag-iingat at pangangalaga sa bahay dalanginan ng Nuestra Señora de la Luz sa Loon Bohol.
Ito ang mensahe ni Bishop Alberto Uy kasunod ng pormal na pag-turnover matapos ang pagsasaayos at maibalik sa dating anyo ang simbahan na lubhang napinsala ng lindong noong 2013.
“Your priest and I, promise to honor the commitment of the Diocese of Tagbilaran to maintain and promote this sacred edifice as a temple worthy of our divine worship of the triune God and a true source of pride of place for all Boholano,” bahagi ng mensahe ni Bishop Uy.
Matatandaang ang Loon Church ay isa sa mga simbahang ideneklarang ground zero matapos yanigin ng magnitude 7.2 na lindol ang lalawigan noong Oktubre 2013.
Isa ang Loon Church sa mga kilalang simbahan ng Bohol dahil sa mayamang bahagi ng kasaysayan na unang itinatag ng mga misyonerong Heswita noong 1753 habang taong 1758 naman ng ipagkatiwala ito sa mga Rekoleto.
Batay pa sa kasaysayan 1855 nang ganap na mailuklok ang imahe ng Birhen de la Luz sa Loon Bohol.
Taong 2010 naman ng ideneklara ng National Historical Commission of the Philippines ang Loon Church bilang National Historical Landmark at National Cultural Treasure naman ng National Museum of the Philippines.
Dahil dito, tumulong ang national government sa pagsasaayos ng simbahan na maibalik sa dating anyo dahil sa pagiging malaking bahagi at kahalagahan nito sa kasaysayan ng bansa lalo na sa pagpapalago ng pananampalataya ng mamamayan.
Pinasalamatan ni Bishop Uy ang pamahalaan at mananampalataya na nagtulungan upang muling maitayo ang simbahan at maipagpatuloy ang misyong ipalaganap ang mabuting balita ng Panginoon.
Ginanap ang turnover ceremony at dedication ng simbahan nitong September 7 na dinaluhan ng mga opisyal ng local government, opisyal ng National Museum at National Historical Commission, mga pari ng diyosesis at mananampalataya ng Loon Bohol.
Nagagalak ang mga deboto ng Mahal na Birhen ng muling buksan ang simbahan lalo ngayong September 8 na ipinagdiriwang ang kaarawan ng Mahal na Ina at kapistahan ng naturang parokya.