189 total views
Wala nang tiwala ang Human Rights community sa mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito ang binigyan diin ni Rose Trajano, secretary-general ng Phillippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) kaugnay sa panggigipit at pambabraso ng mga Kongresista na kaalyado ng administrasyon sa Commission on Human Rights na binigyan lamang ng 1-libong pisong pondo sa taong 2018.
Ayon kay Trajano, nagmimistulan na lamang tagasunod o “rubber stamp” ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mambabatas mula sa usapin ng Death Penalty, pagpapababa sa Criminal Liability Age ng mga kabataan, mga nakabinbing impeachment complaint laban sa Supreme Court Chief Justice, COMELEC Chairman at sa pinuno ng Ombudsman na pawang mga constitutional bodies.
“Nagka-cow towing nalang sila o sumusunod nalang sila sa kung ano yung gustong ipagawa sa kanila ni Duterte umpisa diyan sa usapin ng Death Penalty, yung Lowering of Age of Criminal Responsibility pagkatapos sila rin yung nag-i-initiate at nagmamadali sa pag-iimpeach nung mga head ng ating democratic institutions, yung mga constitutional bodies including Supreme Court, COMELEC, Ombudsman ano pang ititira nila sa atin? Saan pa tayo pupunta? Yang House of the Representatives they cannot be trusted anymore, may loss of confidence na ang Human Rights Community sa kanila.” pahayag ni Trajano sa Radio Veritas
Iginiit naman ni Trajano na nararapat imbestigahan at suriin ang ginawang pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga Kongresista.
Naunang tinawag ng mga lider ng Simbahang Katolika na “stupid at shameful” decision ang ginawa ng mayorya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Read: Isang libong pisong budget sa CHR, nakakahiyang ginawa ng Kongreso.