20,430 total views
Binigyang-diin ni Caritas Philippines President Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang kahalagahan ng pag-ibig at habag bilang katangian ng pagiging mabuting Kristiyano.
Sa Banal na Misa para sa ikalawang araw ng 41st National Social Action General Assembly (NASAGA) sa Jaro, Iloilo, ibinahagi ni Bishop Bagaforo na pangunahing tanda ng pagiging tagasunod ni Kristo ay ang pagpapakita ng awa at habag na halimbawa ng pag-ibig sa kapwa.
“Love, therefore, is the hallmark of what being a Christian is all about. We cannot be followers of Christ if there is an absence of mercy and compassion in us,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Bagaforo.
Ayon kay Bishop Bagaforo, ipinapaalala ng ebanghelyo na ang bawat isa ay tinatawag at inaasahang maging mapagmahal at mahabagin, katulad ng Panginoon Hesukristo.
Dagdag pa ng obispo na ang pagiging Kristiyano ay hindi lamang tungkol sa pananampalataya, kundi tungkol din sa pagpapakita ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa, at sa pagsusumikap na magdala ng kabutihan sa buong komunidad.
“This is what our ministry, Episcopal Commission on Social Action, Justice, and Peace calls on us. We love as to empower those entrusted to our care…How do we empower our communities? Empowerment is to make each of us and our communities “Alter Christus”, another Christ,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Una nang nagpahayag ng pag-asa si Bishop Bagaforo na magdudulot ng positibong epekto sa mamamayan ang mga pinagtitibay na layunin ng Caritas Philippines sa pamamagitan ng NASAGA para sa kaayusan ng lipunan.
Tema ng 41st NASAGA ang “Social Action Network: Journeying to Empower Communities in Faith, Love, and Justice”.