331 total views
Kapayapaan ang pangunahing layunin ng Apostolic Visit ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Myanmar at Bangladesh.
Ito ang inihayag ni Radio Veritas Vatican correspondent Fr. Greg Gaston, Rector ng Pontificio Collegio Filipino sa Roma.
Tulad ng larawan sa Logo ng Apostolic Visit ni Pope Francis, ipinaliwanag ni Fr. Gaston na nais ni Pope Francis na itaguyod at palaganapin ang kapayapaan sa dalawang bansa na may kasaysayan na ng pagkakaroon ng giyera at civil war.
“Makikita sa logo palang Love and Peace, ganun lagi basta si Pope pupunta hindi naman siya about politics about military, kung relihiyon man ay as dialogue, hindi yung sasabihin na ito [ang dapat] kaya sa Bangladesh naman Harmony and Peace, kasi nga iba-iba ang relihiyon at sa mga bansang ito ay may history ng mga away, giyera, civil war,” pahayag ni Fr. Gaston.
Bukod dito, sinabi ng pari na nais din ipadama ng Santo Papa ang kanyang pagmamahal sa mga katolikong minorya sa budhist at muslim na mga bansa.
Batay sa datos ng simbahan aabot lamang sa 0.3 porsyento ang mga Kristiyano sa Bangladesh habang nasa 5 porsyento naman ang populasyon ng mga Kristiyano sa Myanmar.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Fr. Gaston na lahat ng liham na natatanggap ni Pope Francis ay pinagsusumikapang sagutin o ipagdasal ng Santo Papa.
Ito ay hinggil sa usapin ng pagpuna ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rosaryo ni Senator Leila de Lima na nagmula kay Pope Francis.
Ayon kay Fr. Gaston ginagawa ng Vatican ang kanilang makakaya upang masagot ang mga liham sa Santo Papa.
Mayroon din aniyang collaborators si Pope Francis na katuwang nito sa pagsagot sa mga liham at pagtugon sa mga kahilingan gayundin ang pagpapadala ng mga Rosaryo.
Tiniyak naman ni Fr. Gaston na lahat ng pinuno ng bawat bansa, maging si Pangulong Duterte ay kabilang sa mga ipinagdarasal ng Santo Papa.
“Si Pope naman kahit sinong sumulat sa kanya out of courtesy din and out of love ay sasagutin nya ang mga sulat, kaya kahit sinong sumulat at least mapapagdasal ni Pope yan. Kung tutuusin speaking of Duterte, parang naalala ko nung election sumulat din s’ya sa Pope nung hindi pa s’ya president and then sinagot din sya ng secretary ng Pope na, “The Pope is praying for you.” Of course yung Pope naman ay pinagdadasal lahat ng mga World leaders at religious leaders, lahat-lahat, we can be assured kahit sino man ang presidente dyan ay pinagdarasal pa rin ng Pope.” Bahagi ng ulat ni Fr. Gaston sa Radyo Veritas.