349 total views
Manila,Philippines– Hindi matatapos sa pagtatanggal sa mga Liberal Party (LP) Senators ng kani-kanilang mga committee chairmanship ang kasalukuyang rigodon sa Senado.
Ito ang nakikitang sitwasyon ni Veritas 846 Senior Political Advisor Prof. Ramon Casiple – Executive Director of Institute for Political and Electoral Reform sa nagaganap na reorganisasyon sa Senado.
Ayon kay Casiple, hindi mai-aalis na may koneksyon ang reorganisasyon sa pagpapahayag ng mga saloobin at komento ng mga Senador sa pagkakakulong ni Senator Leila De Lima at maging ang kanilang pakikiisa sa isinagawang rally noong ika-25 ng Pebrero.
“I would assume na reaction ito sa nangyaring February 25 na rally at saka siguro sa mga past na statements ng mga Senador na ito kaugnay kay Leila De Lima and other issues, on-going pa ito I don’t think hihinto dito kasi yung mga nagpasimuno ay involved din before sa labanan for the Senate Presidency so malaki ang chances na related din doon ang mga ganito…” pahayag ni Casiple sa panayam sa Radio Veritas.
Kahapon, tinanggal bilang Senate President Pro-Tempore si Senador Franklin Drilon kung saan labingpitong (17) Senador ang bumoto para kay Senate Minority Leader Ralph Recto para maging bagong Senate President Pro-Tempore.
Inalis din bilang chairman ng Senate Committee on Education si Senador Bam Aquino, Senador Kiko Pangilinan bilang chairman ng Agriculture committee at Senator Risa Hontiveros bilang chairman ng Health Committee.
Samantala, una na ngang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na kailangang unahin ng mga politiko ang kapakanan ng taong bayan at kalikasan at huwag magpasilaw sa yaman o anumang uri ng tuksong nagmumula sa kapangyarihan at posisyon sa pamahalaan.