377 total views
Ibayong pagsisikap at pagtitiis ang hamon sa atin ng panahon ngayon, kapanalig. Kahit may pag-asa na tayong naaninag dahil sa pagkakaroon ng bakuna laban sa COVID, malawakang kahirapan pa rin ang nakikita ng mga eksperto sa buhay ng maraming Filipino.
Ayon sa World Bank, mga 2.7 milyong Filipino ang maghihirap ngayon taon dahil sa pandemya. Dagdag pa ito sa record-breaking na pagbulusok ng ating gross domestic product (GDP) ngayong taon. Tinatantya ng ahensya na magko-contract o liliit pa ng mga 8.1 percent ang ating GDP. Ang pagliit ng ekonomiya ng bansa ay sinabayan pa ng napalaking utang ng pamahalaan. Umaabot na ito ng P10.3 milyon ngayong Disyembre.
Madilim man ang pangitain natin ngayon, kapanalig, huwag mawawalan ng pag-asa.
Pag nakaraos na ang bansa sa epidemya, dahan dahan ng makababawi ang bansa. Kailangan lamang, maisa-ayos ng pamahalaan ang mga prayoridad nito. Ibig sabihin, ang ekonomiya na muna ang unahin, at hindi ang pangangampanya at pag-stratehiya para sa susunod na eleksyon sa 2022.
Ang payo ng mga eksperto, unahin ng pamahalaan ang paglatag ng mga programa na maglilikha ng trabaho para sa maraming Filipino. Ayon nga sa isang pag-aaral ng International Labour Organization, tatlong mahalagang bagay ang kailangan magawa natin ngayon upang makabangon ang bansa at maging resilient ito sa kasalukuyang pandemya. Una, kailangan nating magbigay ng immediate o mabilisang suporta sa mga negosyong at-risk magsara at sa mga manggagawang at-risk na mawalan ng trabaho. Kailangan din natin tiyakin na mayroon tayong komprehensibong plano sa pagbabalik ng mga tao sa kanilang trabaho. Pangatlo, kailangan nating maglikha ng disente at produktibong trabaho upang makabawi na ang ating ekonomiya.
Hindi madali ang mga hakbang na ito, kaya nga’t marami ang umaasa na makaka-focus ang pamahalaan sa “urgent” na pangangailangan na ito. Ang pagkawaglit ng gawaing ito ay magsasadlak pa lalo sa bayan sa mas malalim na pagbagsak ng ekonomiya, at hila hila nito paibaba ang buhay ng napakaraming mga Filipino.
Kapanalig, dasal natin na sana’y maasahan natin ang tagumpay ng pamahalaan sa misyon nitong maipataas pa ulit ang antas ng ekonomiya. Ito nga rin ay hamon ni Pope Francis sa mga estado. Ayon sa kanyang akda na Evangelii Gadium: It is vital that government leaders and financial leaders take heed and broaden their horizons, working to ensure that all citizens have dignified work, education and healthcare. Tungkulin ng pamahalaan na mabigay ng disenteng trabaho para sa lahat. Dasal naman natin na aakapin ng administrasyong ito at uunahin ang napaka-halagang gawain na ito. Dahil kung hindi, malulubog tayo sa kahirapan at utang sa hinaharap.
Sumainyo ang katotohanan.