378 total views
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ipalagay natin na ang isa sa inyo’y nagpunta sa isang kaibigan isang hatinggabi at nagsabi, ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kanyang kaibigan sa loob ng bahay, ‘Huwag mo nga akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makababangon pa upang bigyan kita ng iyong kailangan.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan sa pagpupumilit nito. Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”
————
Karamihan sa atin ay maiirita sa isang taong (kahit kaibigan) na masyadong makulit sa kanyang hinihingi kahit sinabihan na natin na hindi natin mapagbibigyan. Ipinapakita sa atin ni Jesus ang Diyos na higit na kakaiba sa atin, na laging ibibigay ang ating hinihiling kahit hindi tayo karapat-dapat. Siya ay isang napakabuti at napakamapagbigay na Ama. Kapag mayroon tayong hinihiling sa Diyos, kailangan natin itong hingin ng MAY KARUNUNGAN mula sa Espiritu Santo. Hindi tayo humihiling dahil lang gusto natin. Pag tayo ay may hinihiling sa kanya, iisipin natin na hindi tayo lang ang makikinabang dito kundi pati ang iba. Ang pinakamahalaga sa panalangin ng paghiling ay ang LUBOS NA TIWALA sa Diyos. Ito ay ang pagkilala na sapagkat siya ay Diyos, siya lamang ang nakakaalam ng pinakamabuting paraan at pinakamabuting panahon ng pagsagot sa ating hinihiling.
Mataimtim nating ipanalangin na matapos na ang karahasang nagaganap ngayon sa lupang sinilagangan ni Jesus, kung saan siya naging ganap na Tagapagligtas ng ating sanlibutan!