205 total views
Kung mayroon mang higit na malungkot ngayong Biyernes Santo habang tayo ay muling binalot saka pinalaot sa gitna ng bulok at kawalang sistema sa pandemya noon pa, iyan ay tiyak walang dili iba kungdi si Hesus na ating Panginoon at Manunubos; marahil hindi Niya maubos isipin sa gitna ng masasamang nangyayari sa atin mas binibigyang pansin ng maraming hangal sa ating pamahalaan mga bagay-bagay kay daling isipin habang mga paksa nagiging usapin dahil sa pagsisinungaling!
Ngayong Biyernes Santo araw ng pag-aayuno upang ating mapagtanto Panginoong Hesus ay naririto sa ating pagtitiis ng kagutuman nalilinis ang puso at kalooban nawawalan ng laman upang tayo ay mapunan ng Diyos ng kanyang kabanalan; kay laking kahibangan lalo ng mga nasa kapangyarihan kalimutan at talikuran tuluyan mga payak at aba, lugaw ang kumakatawan!
Pinakamalungkot pa rin ngayong Biyernes Santo ang Panginoong Hesu-Kristo dahil katulad niya noon patuloy pangungutya sa kapwa lahat hinahamak at minamaliit gayong kanilang mga isipan ang walang laman, sadyang mapupurol at makikitid na hindi nababatid ang tao na higit na dakila hindi masalita, nakikilala sa busilak ng kanilang puso at diwa.
Huwag nating kalimutan bago sumapit ang Biyernes Santo noong gabing ipagkanulo si Kristo pinili niyang walang hanggang tanda ng kanyang kapanatilihan sa atin tinapay na walang lebadura na alalaong-baga sa atin dito sa Asya kapantay ay lugaw na siyang inihahain sa mga panahong alanganin ito ang kinakain upang maging sapin sa tiyan na dumaraing sa maraming hinaing di lamang sa gutom kungdi pati kawalan ng mga pumapansin.
Alalahanin tuwing ikaw ay kumakain nitong paborito nating pagkain lugaw marahil ang hihilingin ni Hesus na Panginoong natin; napakadaling pakisamahan lasap kanyang linamnam hindi maselang lutuin walang ulam na aalalahanin ano man maaring isahog at i-pares sarap at ginhawang walang kaparis kaya nakakainis mga nagmamalinis sana'y umalis na dahil sila ang mga panis!