172 total views
Tiniyak ng Bantay Karapatan sa Halalan na mananatili itong mapagmatyag sa mga post-election related incidents na iuulat sa kanilang tanggapan.
Ayon kay Commission on Human Rights (CHR) Commissioner Jose Luis Martin Gascon, bagamat hindi katanggap-tanggap ang pagbubuwis ng buhay nang dahil lamang sa iringan sa halalan, tiniyak naman nito na makikiisa sila sa paghilom ng nalabag na karapatang pantao at pagpapanumbalik ng pagkakaisa sa bansa.
“Naniniwala ako na yung karapatang pantao ay makakatulong ng malaki kung ito’y mamarapatin ng lahat lalo na silang nagtagumpay sa labanan ng eleksyon at uupo sa kapangyarihan, maaaring magamit ang karapatang pantao bilang mekanismo para sa pagkakaroon ng pagkakaisa at healing na hanap nating lahat, paghilom ng mga sakit at sama ng loob na dulot ng eleksyon na ito .” Pahayag ni Gascon.
Kaugnay nito, tiniyak ni Gascon na hindi na lamang bibilangin ng C-H-R ang tala ng mga election-related violence, bagkus makikipag ugnayan ito sa Commission on Elections at magsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon upang mapanagot ang tunay na lumabag sa karapatang pantao.
Dahil dito hiniling ni Gascon ang pakikiisa at pakikipag-ugnayan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng ugaling voluntirismo o pagkakaroon ng kusang loob na tulungan ang kapwa alang-alang sa ikabubuti ng lahat at ikauunlad ng sambayanan.
“Panghawakan nating lahat yung voluntirismo na pinakita natin, ito rin yung mensahe na ibinibigay ng Radyo Veritas sa lahat at bilang alagad ng Diyos, bilang mga responsableng mamamayan dapat ay aktibo tayong nakikilahok sa mga pambansang usapin.” Dagdag ni Gascon.
Samantala, hiniling rin ni Gascon sa Comelec na maglaan ito ng mas maigting na paghahanda sa susunod na halalan upang makaranas naman ang bansa ng free, fair, safe and secure elections.
Sa paunang datos na nakalap ng komisyon umabot na sa 72 ang kaso ng election-related violence simula Marso 2015 hanggang Marso 2016.
Samantala sa tala ng Philippine National Police noong 2013 umabot sa 81 ang kaso ng election-related violence sa buong bansa na mas mababa kumpara sa 176 na kaso ng karahasan kaugnay ng halalan noong 2010.