15,892 total views
Hinihimok ng Task Force Detainees of the Philippines ang mga Pilipino na patuloy na alalahanin ang mga matapang na lumaban para sa demokrasya at kalayaan ng bansa mula sa kadilimang dulot ng Batas Militar.
Ito paalala ni TFDP chairperson Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm., sa paggunita ng ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa ika-21 ng Setyembre, 2024.
Ayon sa TFDP, naaangkop lamang na bigyang pagkilala at bigyang pugay ang tagumpay ng mga indibidwal at kilusan na na nagsusulong ng karapatang pantao sa bansa.
Bilang paggunita rin ng Task Force Detainees of the Philippines ngayong taon sa ika-50 anibersaryo, binigyang diin ng organisasyon ang pagpapahalaga sa kalayaan at katarungan.
“Inaalala natin ang tapang ng mga lumaban sa kadiliman ng Batas Militar, kasabay ng pagdiriwang sa mga tagumpay ng kilusan para sa karapatang pantao sa Pilipinas. Gayundin, sa ika-50 anibersaryo ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), binibigyang-pugay natin ang walang pagod na pagsisikap ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao na nagbigay-daan sa kalayaan at katarungan.” Bahagi ng pahayag ng TFDP.
Binigyang diin naman ng organisasyon ang patuloy na pakikibaka at pagsusulong ng isang lipunan na umiiral ang karapatang pantaon, pagkakapantay-pantay, at katarungang panlipunan para sa lahat.
“Patuloy ang pakikibaka tungo sa isang lipunan kung saan ang pagkakapantay-pantay, katarungang panlipunan, at karapatang pantao ay kinikilala at iginagalang ng lahat.” Ayon pa sa TFDP.
September 21, 1972 nang magdeklara ng Martial Law ang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na winakasan ng mapayapang People Power Revolution noong taong 1986 na naging inspirasyon ng iba’t ibang bansa upang isulong ang kani-kanilang kasarinlan sa pamamagitan ng pagkakaisa sa halip na karahasan.
Taong 1974 ng itinatag ng noo’y Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) ang human rights organization na Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) upang makapagpaabot ng tulong at ayuda sa mga political prisoners ng Batas Militar sa ilalim ng diktaduryang Marcos Sr..
Bukod sa legal na tulong ay nagkakaloob rin ang TFDP ng moral at pang-espiritwal na paggabay sa mga political prisoners at kanilang pamilya, kasabay ng masusing pagdokumento sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao kabilang na ang kaso ng torture, summary arrest, killings, illegal detention, at force disappearances.