466 total views
Ito ang panawagan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula kasama ang mga Obispo ng Ecclesiastical Province of Manila kaugnay sa papalapit na National and Local Elections sa May 9, 2022.
Sa Liham Pastoral ng mga Obispo ng Ecclesiastical Province of Manila na may titulong “NARITO ANG INYONG INA”, nanawagan ang mga lider ng Simbahan na taimtim na magdasal ng Banal na Rosaryo upang hilingin sa Mahal na Inang Maria na tulungan ang bawat isa na iboto ang mga napupusuan ni Hesus para maging lider ng bansa.
Ayon sa mga Obispo, hindi kailanman bibiguin ng Mahal na Ina ang kanyang mga anak na namimintuho sa Kanyang paggabay at pagkalinga.
Kaugnay nito hinihikayat ng mga Obispo ng Ecclesiastical Province of Manila ang lahat na magkaisa at sama-samang magdasal ng Banal na Rosaryo araw-araw mula ika-30 ng Abril na Kapistahan ni San Pio V hanggang sa ika-9 ng Mayo na mismong araw ng halalan.
Pagbabahagi ng mga Obispo ng Ecclesiastical Province of Manila, makailang ulit ng naipalamas ng Mahal na Inang Maria ang kanyang pagkalinga at pagmamahal sa pamamagitan ng tuwinang pagtugon sa panalangin at hinaing ng mga mananampalataya sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Samantala, hinihikayat rin ng mga Obispo ang bawat botante na tuwinang hanapin at ipagtanggol ang katotohanan at ang makabubuti sa mas nakararami o ang common good.
Partikular ding nakiusap ang mga opisyal ng Simbahan sa bawat isa na manindigan at alagaan ang dignidad at kalayaan sa bansa sa pamamagitan ng makatarungan at matalinong pagboto sa mga karapatdapat na kandidato.
Matatandaang una ng nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa bawat isa na seryosohin ang pakikisangkot sa kabuuang proseso ng nakatakdang halalan bilang bahagi ng pananagutan sa hindi lamang sa bayan kundi sa kapwa mamamayang Pilipino.