246 total views
Mga Kapanalig, ngayong panahon ng tag-init, laging uminom ng tubig nang hindi ma-dehydrate. Iwasan din ang direktang sikat ng araw, lalo na sa tanghali, upang maiwasan ang heat stroke at iba pang epekto ng matinding init. Ilan ito sa mga payo ng PAGASA matapos ideklara noong Marso ang simula ng tag-init na inaasahang tatagal hanggang Mayo.
Kapansin-pansin ang mas matinding init ng panahon nitong mga nakaraang taon. Para sa ating mga nasa kalunsuran, mas napapalala pa ang nararanasang init dahil sa tinatawag na urban heat island effect. Ito ang konsentrasyon ng init sa mga urban areas dala na rin ng mga imprastrakturang gawa sa semento, aspalto, at bakal na sumisipsip at nagbubuga ng init.
Kaya naman, napakahalaga ang pagkakaroon ng green spaces sa ating mga siyudad katulad ng mga parke, planting strips, at community gardens. Ayon sa mga eksperto, may iba’t ibang benepisyo ang green spaces. Maliban sa positibong epekto ng mga ito sa physical at mental health, mayroon ding social at economic benefits ang mga green spaces. At syempre, hindi natin maikakaila ang environmental benefits ng mga ito. Alam naman nating ang mga puno at halaman ay tumutulong sa paglinis ng hangin at sa pagbawas sa baha. Pinabababâ rin ng mga ito ang temperatura sa urban areas. Kaya naman, itinuturing na essential ang green spaces sa pagpapabuti ng quality of life at pagpapanatili ng ecological balance. Ngunit dahil sa mabilis na urbanization, unti-unting napapalitan ng kulay abo ang mga luntiang espasyo sa ating mga lungsod.
Ang mga proyektong katulad ng road widening at construction sa kalunsuran ay ilan sa mga imprastrakturang pumapalit sa mga puno at halaman o kumakain ng mga espasyong maaari sanang gamitin para sa green spaces. Maraming pag-aaral na ang nagsasabing sa halip na masolusyunan ang problema sa trapiko, dumadami pa ang mga sasakyan kasabay ng pagdagdag ng mga kalsada. Ito ang tinatawag na induced demand. Ang pagdami ng mga kalsada at sasakyan ay lalong nakakaambag sa pagtaas ng temperatura at polusyon sa mga lungsod.
Ayon sa pag-aaral ng Move As One Coalition, 99% ng pondo ng gobyerno para sa road-based transportation infrastructure mula 2010 hanggang 2021 ay napunta sa construction, widening, at maintenance ng mga kalsada. Samantala, 1% lang ang napunta sa road-based public transportation kahit na 70% ng mga gumagamit ng kalsada ay mga commuters na umaasa sa pampublikong transportasyon.
Sa halip na ilaan ang halos lahat ng pondo sa mga kalsadang mas pinapakinabangan ng mga may pribadong sasakyan, bakit hindi bigyang-prayoridad ang pampublikong transportasyon na pinakikinabangan ng mas marami? Halimbawa, sa usapin ng kontrobersyal na Pasig River Expressway (o PAREX), sa halip na magtayo ng napakamahal na highway sa ibabaw ng Ilog Pasig, bakit hindi i-develop ang Pasig River Ferry at ang mga espasyo sa tabing-ilog upang maging green spaces at bike lanes?
Hamunin natin ang dominanteng modelo sa isinasagawang urban development: para kanino nga ba ang mga proyektong ito? Sa Caritas in Veritate, sinabi ni Pope Benedict XVI na ang pagkasira ng kalikasan ay konektado sa kulturang humuhubog sa lipunan. Sa tinatawag na car-centric culture kung saan mas pinapaboran ng mga patakaran sa transportasyon ang mga may pribadong sasakyan, naisasantabi ang kapakanan ng mga commuters. Unti-unti ring naglalaho ang mga luntiang espasyo kapalit ng mga konkretong imprastraktura.
Mga Kapanalig, wika nga sa Job 14:7, ang “kahoy na pinutol ay may pag-asa, muli itong tutubo at magsasanga.” Hindi pa huli ang lahat upang ibalik ang mga luntiang espasyo sa ating mga lungsod. Sa munti nating paraan, patuloy nating itaguyod ang karapatan natin sa mabuting kalidad ng buhay, isang buhay na nakaugnay sa kalikasan at inklusibong lipunan.
Sumainyo ang katotohanan.