416 total views
Ang Metro Manila ay syudad ng pangarap. Dito, sa napakasikip at napaka-traffic na sentro ng kalakalan ng bansa, maraming Pilipino ang nagtataya ng kanilang lakas, oras, talino, at kakayahan para sa pangarap na magandang buhay. Kaya kapanalig, hindi namamatay ang Metro Manila. Ito ay buhay na buhay.
Kapanalig, ang lugar na ito ay kanlungan ng ating mga pangarap. Dito, unti unting nabubuo ng maraming mga Filipino ang kanilang buhay, ang kanilang pamilya, at ang kanilang “legacy” o pamana sa susunod na henerasyon. Huwag nating hayaang maging pangit ang ating pamana, kapanalig. Gawin nating luntian ang ating syudad.
Sabayan natin ang pagtatag ng mga imprastratura sa ating syudad ng pagpalaganap ng mga luntian o green na struktura sa ating mga tahanan at pamayanan at pagtataguyod ng green lifestyle.
Sa Metro Manila, lalo na sa kahabaan ng EDSA, kakaunti pa lamang ang mga green infrastructure o luntiang struktura. Kaya’t ang araw araw na pagbiyahe ng tao ay mas mabigat, kaya’t marami ang nagsasabi na tila nanghihina na ang Metro Manila. Lalo pa kung titingnan ang Pasig River, na nangangailangan ng resureksyon ngayon.
Sa gitna ng trapik, polusyon, at dumi ng Metro Manila, posible pa rin ang mga luntiang espasyo. Sa gitna ng burak ng Pasig River, maari pa rin itong mabuhay ulit. Kailangan lamang, kapanalig, pagtulungan natin ito.
Maari tayong tumulong sa Pasig River Rehabilitation Commission (PPRC) upang unti unting luminis ang ilog at ang maraming mga tributaryo nito. Ngayong bakasyon, kung kelan maraming kabataan ang walang ginagawa, maari nating silang i-mobilize upang linisin ang mga tributaryong malapit sa kanila.
Maari rin tayong maging mas conscious sa basurang ating tinatapon. Padami ng padami ang basura sa bansa at kada araw, at ang Metro Manila ang may pinakamaraming basura sa buong bansa. Umaabot ng 40,087.45 tonelada ng basura ang nakokolekta sa atin at 9,212.92 tonelada nito ay galing sa Metro Manila.
Ang mga aksyon na ito, maliit man, ay lalaki kung sabay sabay nating gagawin. Sa ating pagtutulongan, maaring maging luntian ulit ang Metro Manila. Kapanalig, paalala sa atin ng Caritas in Veritate: The way humanity treats the environment influences the way it treats itself, and vice versa. Kung mamahalin natin ang syudad, mamahalin din tayo nito at tutulong sa unti unti nating pagkamit ng ating mga luntiang pangarap.