248 total views
Ito ang nagkakaisang sigaw ng mga magsasaka mula sa ibat-ibang bahagi ng bansa na nag-martsa patungong University of Santo Tomas upang ipakita sa pamahalaan ang social injustice na kanilang nararanasan.
Sinimulan ang pagtitipon ng isang banal na misa na pinangunahan ni Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez na dinaluhan ng mga magbubukid ng Pilipinas, kinatawan ng Simbahang Katolika at mag-aaral ng U-S-T na sinundan ng solidarity lunch.
Ayon kay CLAMOR Movement o Coalition for Land, Against Martial Law and Oppression lead convenor Rafael ‘Ka Paeng’ Mariano, isang magandang pagkakataon ang pagsama-sama ng iba’t-ibang sektor ng lipunan upang ihayag sa gobyerno ang mariing pagtutol sa extra judicial killings at karahasan na dinaranas ng mga magsasaka sa ilalim ng batas militar.
“Ang deklarasyon po ng Martial Law sa buong bansa ay lalong mangangahulugan ng pagdami pa ng mga kaso ng political extra judicial killings o summary executions lalung lalo na sa hanay ng mga magsasaka. Sa unang taon ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ilalim ng kanyang administrasyon, tuluy-tuloy pong nagaganap ang pamamaslang lalung-lalo na sa hanay ng ating magsasaka,” pahayag ni Mariano.
Kasabay ng pagtutol sa diktadurya, tyranny at opresyon, layunin din ng pagtitipon na bigyang-pansin at tutukan ang usapin hinggil sa genuine agrarian reform, libreng pamamahagi ng lupa at ang walang habas na pagpatay sa mga magsasaka sa iba’t ibang rehiyon.
Sa tala ng CLAMOR, umabot na 91 mga magsasaka ang napapaslang buhat noong naluklok sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte hanggang Agosto 2017.
Patuloy namang ipinaalala ni Pope Francis sa mga lider ng bawat bansa na pahalagahan ang karapatan ng maliliit na tao sa lupang kanilang tinubuan.