391 total views
Homiliya para sa Huwebes, ika-11 Linggo ng Ordinaryong Panahon, 16 Hunyo 2022, Mt 6:7-15
May isang komposisyon si Erik Santos na inawit ni Lea Salonga. Religious song ang dating pero hindi talaga pang-simbahan. May kutob ako na ang pinaghugutan nito ng inspirasyon ay ang Gospel reading natin ngayon tungkol sa panalanging itinuro ni Hesus sa atin . Ang title ng kantang tinutukoy ko ay “LUPA MAN AY LANGIT NA RIN.” Ito ang tinatawag kong summary ng Ama Namin. Sabi ng kanta,
“Ikaw ang nagturo ng tamang landasin
Sa puso at aking damdamin
Dinggin ang papuri, ang bawat dalangin
Dahil sa ‘yo lupa man ay langit na rin.”
Paano ba ito summary ng Ama Namin? Ito ang tinatawag kong “bisagra” o dugtungan sa pagitan ng dalawang parte ng AMA NAMIN. Ang unang bahagi ay tungkol sa Diyos Ama sa LANGIT: tungkol sa ngalan niya, kaharian niya at ang kalooban niya. Ang pangalawang bahagi ay tungkol naman sa atin—tayong mga tao dito sa LUPA. Tungkol sa kakanin natin, mga kasalanan natin, at sa mga tuksong haharapin natin.
Parang sinasabi bi Erik Santos sa kanta, sa madaling salita, ang sinasabi lang natin sa panalanging itinuro ni Hesus ay: Ama namin sa langit, kung maipagkaloob mo lang sa amin dito sa lupa ang tunay na kailangan namin, LUPA MAN ay LANGIT NA RIN.
In short, hindi sapat na ipagdasal lang natin na tayo ay mapunta ng langit sa kabilang buhay. Ang langit ay dapat simulan na natin dito sa lupa. Walang langit na maghihintay sa atin sa kabilang buhay kapag hindi natin pinagsumikapang maranasan na ito sa buhay natin sa mundo.
Syempre, ang kasunod na tanong ay, PAANO? At ang sagot ni Hesus ay: matuto lang kayong humiling nang tama mula sa aking Ama, na inyo ring Ama, ibibigay niya ito sa inyo. Kahit gustuhin ng Ama ano ba ang magagawa niya kung ayaw naman natin? Di ba tayo nga mismo naiinis kapag binibigyan mo na ang isang tao ng kailangan niya umaayaw pa siya? Minsan tuloy nasasabi natin, “AYAW MO, E DI HUWAG. MAGDUSA KA RIYAN!”
At pag nagdusa naman tayo, umaangal tayo at nasasabi natin IMPYERNONG BUHAY NAMAN ITO! Oo naman. Pwede talagang imbes na langit ay impyerno ang simulan natin dito sa mundo. Kung iyan ang piliin natin. Ano ba ang dapat nating pag-aralang piliin? Anim na bagay ayon sa itinurong panalangin ni Hesus. Sa madaling salita ang sinasabi sa atin ni Hesus ay—matuto lang kayo na humiling nang tama—makikita nyo, ang DITO SA LUPA ay magiging SIMULA NA NG LANGIT.
So ano ang dapat hilingin? Unang tatlo: na ang ngalan ng Diyos ang sasambahin natin, at hindi ang mga iniidolo natin sa lupa. Na ang kaharian ng Diyos ang mapasaatin sa mundo at hindi ang mga kaharian ng mga taong mahilig magdiyos-diyosan. Na ang kalooban ng Diyos ang sundin natin sa daigdig, imbes na mga layaw at luho na kinahuhumalingan natin.
Ngayon naman ang second part, ang pangalawang tatlong bagay na dapat matutunan nating hilingin: pagkain, patawad at pag-aadya sa pagsubok. Tatlong P. Syempre, ang pagkaing tinutukoy ay hindi lang kanin at ulam kundi Salita ng Diyos. At ang patawad naman ay hindi lang tungkol sa kasalanang nagawa natin na dapat ihingi ng tawad kundi pati na rin sa mga kasalanang nagawa ng kapwa laban sa atin na dapat nating din nating matutunang patawarin. At panghuli, kung ibig nating ipag-adya tayo ng Diyos sa masama, pag-aralan naman nating umiwas sa tukso.
Minsan may nagsasabing ang langit ay parang opyo lang na pampalimot sa mga pagsubok na dapat harapin sa lupa. Mali. Baligtad. Hindi pagtakas kundi pagharap sa mga pagsubok sa mundo ang itinuro sa atin ni Kristo. Ang landas ni Hesus ay ang masimulan na ang langit dito pa lang lupa. Kay Hesus, kung totoong hinahangad mo ang langit ang patunay ay pahahalagahan mo ang buhay mo dito sa lupa.
Obvious naman kay Hesus na hindi natin matatamo ang kaganapan ng langit sa dito sa lupa. Kaya nga naniniwala tayo na meron pang kasunod ang maikling buhay natin dito sa mundo. Ang tinatawag nating “buhay na walang hanggan”: ang mas ganap na buhay na inilaan ng Diyos para sa lahat ng tunay na naghahangad nito.
Kaya sinabi ni Hesus, “Hangarin muna ninyo ang kaharian ng Diyos, at ang lahat ng ito ay mapapasainyo.”
Tama ang punto ng kanta ni Erik Santos:
“Ikaw ang nagturo ng tamang landasin
Sa puso at aking damdamin
Dinggin ang papuri, ang bawat dalangin
Dahil sa ‘yo lupa man ay langit na rin.”