221 total views
Ito ang ibinahagi ni Rev. Fr. Conegundo Garganta, Executive Secretary ng CBCP – Episcopal Commission on Youth na ilan lamang sa mga layunin ng Year of the Youth.
Ayon sa Pari, bahagi ng paggunita ng Simbahan para sa Taon ng Kabataan ay ang mahikayat, matulungan at magabayan ang mga kabataan patungo sa kabanalan.
Dahil dito mahalaga aniyang magabayan ng Simbahan ang mga kabataan sa pamamagitan ng paglabas ng mga programa, aktibidad at gawain mula sa parokya at mga diyosesis patungo sa mismong mga kumunidad at mga pamayanan kung nasaan ang mga kabataan.
“One of the main thrust of the celebration of the Year of the Youth is to be able to encourage, assist and help our young people matulungan ang mga kabataan especially from the Church and through the Church to be able to reach out to the least, the lost and the last kumbaga lumabas dun sa karaniwang ginagawa from the dioceses, from the parishes na nakasentro sa loob ng Simbahan yung mga trabaho o yung mga activities…” pahayag ni Father Garganta sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, naunang umapela ng panalangin ang CBCP – Episcopal Commission on Youth para sa mga kabataang Filipino sa paggunita ng Taon ng mga Kabataan.
Ayon kay Fr. Garganta, mahalaga ang suporta ng bawat isa sa pagganap ng mga kabataan sa kanilang tungkulin na ipamalas ang kanilang angking kakayahan upang makatulong sa pag-unlad ng lipunan.
Ibinahagi ng Pari na malaki ang hamon ng Simbahan sa mga kabataang Filipino ngayong Year of the Youth na nasasaad mismo sa tema nitong ‘Filipino Youth in Mission: Beloved, Gifted, Empowered’.
Hinahamon din ni Bangued Abra Bishop Leopoldo Jaucian – Chairman ng kumisyon, ang mga kabataan na huwag matakot at patuloy na manindigan upang maging pangunahing tagapag-tanggol ng pananampalatayang Katoliko.
Matatandaang sa naganap na Encounter with the Youth sa UST, ni Pope Francis na bahagi ng kanyang naging Apostolic Visit sa Pilipinas noong January 2015 ay hinamon ng Santo Papa ang mga kabataang Filipino na mag-isip, makiramdam at kumilos upang tunay na makapagbahagi sa kapwa, partikular na sa mga nangangailangan at maging sa kapakanan ng buong bayan.