874 total views
Kapanalig, tumaas na naman ang bilang ng teenage pregnancy sa bansa.
Ayon sa datos, nitong 2019 tumaas ng 7% ang bilang ng mga batang may edad 15 pababa na nabuntis at nagsilang na, kumpara sa bilang nito noong 2018. 62,341 ito noong 2018, at naging 62,510 ito noong 2019. Siyam na taon nang patuloy ang pagtaas ng bilang nito sa ating bansa. 755 lamang ito ng 2000 kapanalig, at ngayon, halos pito kada araw na ang batang nagsisilang ng sanggol. Isa sa tatlong panganganak na ito ay karaniwang nagaganap sa CALABARZON.
Marahil, iniisip niyo na napapariwara na ang mga kabataan ngayon, o di kaya pabaya ang kanilang mga magulang. Maaring iniisip din ninyo na puro kalaswaan na kasi ang nakikita ng mga bata ngayon. May mga pagkakataong nangyayari ang mga salik na iyan, kapanalig. Pero suriin nating mabuti ang sitwasyon ng mga batang ina.
Pagdating sa sex o pagtatalik, karaniwan, ang batang nasa puberty stage ay wala pang kamuwang-muwang ukol dito. Kung may alam man siya, wala pa siya sa tamang pag-iisip at wala rin siyang kahandaan upang harapin ang ganitong mga bagay. Hindi nila gagawin ito ng kusa. Kapag nangyari, rape ito, kapanalig. Ang age of consent sa ating bayan ngayon ay nasa edad 16. Kung may partner man sila sa murang edad, wala silang kapasidad magdesisyon ukol dito, at kung nagawa nila ito, kaso na ito ng statutory rape.
Ang ating mga kabataan kapanalig ay ating mga kayamanan – sila ay dapat nating inalagaan. Pagdating ng puberty, mas nagiging mahirap ang pangangalaga sa kanila pero ito ang panahon na kailangan nila ang ating gabay. Hindi nararapat na maiwan silang mag-isa sa bagong mundong kanilang tinatahak. Kailangan nila ang ating pag-alalay. Ito ang pangunahing aksyon na dapat nating gawin upang matugunan ang problema ng teenage pregnancy sa ating bansa.
Maliban sa pag-gabay at pag-alalay sa kanila, tayo, bilang isang komunidad ay kailangang bigyan sila ng proteksyon. Kapanalig, maraming mga batang babae ang nabibiktima at nabubuntis ng panggagahasa mismo sa kanilang mga tahanan. Tinatayang isa sa limang kabataan may edad 13 hanggang 17 ang nakakaranas ng sexual violence sa bansa habang isa sa 25 ang nakaranas ng pang-gagahasa noong sila ay bata pa. Kailangan nating tiyakin na hindi na mangyayari ito. Ang dignidad ng bata, ang kanyang pagkakilanlan sa kanyang sarili, ang kanyang pagkatao ang ninakaw at inaalipusta kapag ito ay nangyayari. Ang mga ganitong pangyayari, ay lason sa lipunan, ayon sa Gaudium et Spes. Kailangan nating maiwaksi ito sa ating bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.