17,454 total views
Homiliya para sa ika-32 Linggo ng Karaniwang Panahon, 12 Nov 2023, Mat 25:1-13
Isa sa pinaka-importanteng simbolo sa binyag, bukod sa tubig, ay ang ilaw. May parte sa ritwal ng binyag na sisindihan ng pari ang kandila mula sa Paschal candle at ibibigay sa bibinyagan o sa ninong kung musmos pa ang bibinyagan. Sasabihin niya, “Tanggapin mo ang ilaw ni Kristo…Panatilihin mong nakasindi ito upang sa pagdating ng Panginoon ikaw ay makasalubong…”
Obvious ba na ang pinagkuhanan ng inspirasyon para sa linyang iyon ay ang Gospel reading na narinig natin? Ito ang parable tungkol sa sampung dalaga na sumasalubong daw sa lalaking bagong kasal. Pare-pareho naman silang naghintay, nagdala ng kanilang mga nakasinding ilawan, pare-pareho din silang nakatulog at nagising nang dumating ang hinihintay. Ano ang ipinagkaiba ng limang marunong sa limang mangmang? Namatayan ng ilaw ang lima, kasi hindi sila nagbaon ng extrang langis; paano sila sasalubong? Ayun napagsarhan sila tuloy. Iyung lima nakasalubong dahil may baon silang langis, sakaling maatraaso ang pagdating ng sinasalubong.
Parable ito. Talinghaga, kailangan pagnilayan. Tungkol daw sa kaharian ng Diyos na parang kasalan. Kung gusto mong makasama sa handaan, sumalubong ka. At dahil ilaw ang pansalubong mo sa pagdating niya sa gabi, kailangan nakasindi ang ilaw. Ano ang dapat gawin para hindi mamatayan ng ilaw? Kung gasera iyan, medyo ingatan mo sa hangin. Takpan mo o tabingan sa pinagmumulan ng hangin. At para hindi maubos nang mabilis ang langis, baka kailangang bawasan nang konti ang pabelo. Pag masyadong malaki ang pabelo, masyado ring malaki ang apoy at malakas humigop ng langis. Pero di ba minsan, sa kabila ng lahat ng pag-iingat, pwede pa ring mamatayan ng apoy, hindi dahil sa hangin. Minsan ang problema hindi sa labas galing kundi sa loob—ubo na pala ng langis. Hindi mo napansin at napaghandaan, walang baon.
Hindi naman baon na langis, kundi dunong ang talagang pinahahalagahan sa ating ebanghelyo. Tutoo naman di ba, nilikha tayong matalino ng Diyos, pero minsan, hindi lang talino ang kailangan, hindi lang husay, galing, abilidad, tinik o pagiging maparaan. Kailangan ng dunong. Para bang sa chess, kailangan pag-aralan ang galaw ng kalaro. Pwedeng may plano ka, mahusay pero papalpak din dahil merong pwedeng mangyari na hindi mo ineexpect, wala sa plano mo. Patay kang bata ka, pag may plan A ka, pero walang plan B or plan C.
Minsan, sa di natin namamalayan, nabobobo na tayo, lalo na pag wala na tayong panahon para manahimik, mag-isip-isip, magnilay, maghintay, makinig, magdasal. Mga disiplina ito ng lahat ng taong gustong umunlad di lang sa kaalaman kundi sa karunungan. Hindi lahat ng maalam ay marunong. Kaya tuloy minsan may mga taong parang manok na tumatakbo na walang ulo, o walang direksyon. Nagkakalat.
Baka kasi ma-overconfident tayo porke’t mabait ang Diyos. Walan duda lahat naman talaga iniimbita niya. Tooo naman na may lugar siya para sa lahat, pero hindi naman niya ipipilit sa atin ang gusto niya. Kailangang gustuhin din natin, kaya depende pa rin sa atin kung makakapasok ba tayo o mapagsasarhan ng pintuan. Ang galaw ng Diyos sa buhay natin ay hindi naman laging predictable. Diyan nga magaling ang mga nanay natin. Magbibiyahe ka, pababaunan ka niya sa ng snacks, extrang tshirt, extrang brief, kasi di mo alam ang pwedeng mangyari. Hindi naman sapat sa mundo ang matalino, mabait, masipag, kailangan ding marunong. Di nga ba kasabihan natin, “Daig ng maagap ang masipag”?
May good news ako sa inyo. Ang extrang langis ay ibinigay na sa atin sa binyag, laging nandiyan dahil inihahanda tayo ng Diyos sa lahat ng pagkakataon, pati sa mga bagay na hindi natin inaasahan na pwedeng mangyari sa buhay natin sa mundong ibabaw. Ang problema, kahit nandiyan ang Espiritu Santo, maraming ibang mga espiritu na nandidiyan din. Hindi naman sisindi ang ilawan kung tubig o gatas o soft drinks ang ilalagay mo. Langis ang kailangan. Ang Espiritu Santo lang ang langis na magpapanatili sa ningas natin, sa kaluwagan at kagipitan, sa hirap at ginhawa, sa sakit at kalusugan, sa lahat ng pagkakataon. Sa kanya lang tayo magpagabay kung ibig nating makasalubong at makisalo sa handaan ng Diyos.