275 total views
Mga Kapanalig, nilagdaan na bilang batas ang Republic Act No. 11166 o ang Philippine HIV and AIDS Policy Act.Magsisilbi itong kumprehensibong patakaran upang sugpuin ang paglaganap ng HIV/AIDS sa bansa at upang palakasin ang serbisyong ibinibigay sa mga kababayan nating may ganitong medikal na kondisyon.
Napapanahon ang batas ayon sa Department of Health o DOH lalo pa’t isa ang Pilipinas sa mga bansang may mabilis na pagdami ng kaso ng HIV/AIDS. Sa datos ng Philippine National AIDS Council, mula noong 1984, aabot na sa mahigit 50,000 kaso ng HIV ang naitala, at mahigit kalahati sa mga ito ay naitala nitong huling limang taon. Karamihan sa kanila ay mga millennials o ang mga edad 15 hanggang 34. Mahigit 2,500 naman na ang naitalang namatay dahil sa dahil sa HIV.
Sa ilalim ng bagong batas, bibigyan ng libreng anti-retroviral treatment at gamot ang lahat ng may HIV. Ituturo rin sa mga paralan ang pag-iwas sa HIV at sexually-transmitted illnesses sa paraang angkop sa edad ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng mga parents-teachers organizations, bibigyan ng gender-responsive at age-sensitive education ang mga magulang tungkol sa HIV/AIDS. At dahil pabatâ nang pabatâ ang mga nagkakaroon ng HIV at bilang pagkilala rin sa kapasidad ng mga batang mag-isip at magpasya para sa kanilang sarili, may probisyon sa bagong batas na pinahihintulutan ang mga kabataang 15 hanggang 17 taóng gulang na magpa-HIV testing at makakuha ng serbisyong katulad ng counseling at mga gamot kahit walang pahintulot ng kanilang mga magulang o parental consent. Ang mas bata sa 15 taóng gulang na buntis at may panganib na makakuha ng HIV at AIDS ay maaari ring magpasuri nang walang parental consent ngunit kailangang may kasama silang social worker o health worker. Idinagdag ang mga probisyong ito dahil natatakot ang karamihan sa mga kabataang magsabi sa kanilang mga magulang kung may hinala silang may HIV at AIDS sila at kung gusto nilang magpasamang magpa-testing. Dahil sa pangambang ito, hindi sila nada-diagnose nang maaga at nakakukuha ng tamang tulong bago pa lumala ang kanilang kondisyon.
Lingid sa kaalaman ng marami, ang Simbahang Katoliko ay isa sa mga pangunahing institusyon sa buong mundo na nagbibigay ng tulong at kalinga sa mga kapatid nating may HIV. Sinasabing galing sa Simbahang Katoliko ang 25% ng mga HIV services sa buong mundo. Halimbawa, ang Caritas Internationalis, isang kompederasyon ng mga Katolikong organisasyon sa buong mundo, ay nakikipagtulungan sa Joint United Nations Programme on HIV/AIDS o UNAIDS sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga batang naapektuhan ng HIV. Noong Disyembre 2018, nanguna ang Vatican at Caritas Internationalis sa isang diyalogong dinaluhan ng mga doktor, kinatawan ng mga pharmaceutical companies, at humanitarian agencies upang magplano para sa pagpapabuti ng pangangalaga sa mga bata at mga kabataang positibo sa HIV. Kasama sa mga napagkasunduan ang pagpapalawak ng HIV testing. Naniniwala ang Caritas Internationalis na maililigtas ang buhay ng mga batang may HIV kung maaga silang masusuri at kung mabibigyan sila ng mabisang gamot.
Noong nabubuhay pa si St. John Paul II, lumalapit siya at niyayakap niya ang mga kapatid nating may AIDS upang iparamdam sa kanila ang pagmamahal ng Diyos. Ito pa rin ang turo ng Simbahan—ang tulungan, kalingain, at mahalin, sa halip na husgahan, ang mga may HIV/ AIDS. Sa tuwing hinuhusgahan natin sila, ipinagkakait natin sa kanila ang pagkakataong malaman ang kanilang tunay na kondisyon, makapagpagamot, at makakuha ng serbisyong kailangan para sa kanilang paggaling.
Mga Kapanalig, dasal natin ang maayos na pagpapatupad ng Philippine HIV and AIDS Policy Act nang maagap nating mailigtas ang kabataan laban sa HIV at AIDS.
Sumainyo ang katotohanan.