340 total views
Umaasa ang opisyal ng Basic Ecclesial Community ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mas mag-alab ang damdamin ng mananampalataya sa pagpapalaganap ng misyon ni Hesus.
Ito ang mensahe ni Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan, chairman ng komisyon sa pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.
Ayon sa arsobispo, nawa’y mas umigting ang sigla ng pananampalatayang kristiyano ngayong ipinagdiriwang ang ikalimang sentenaryo nito sa Pilipinas
lalo’t higit sa bawat pamilya.
“Nawa’y maging mas masigla tayo at mag-alab sa bawat puso ang pagbabahagi ng pananampalataya sa sanlibutan mula sa ating mga pamilya lalo ngayong ipinagdiriwang natin ang 500 taon ng kristiyanismo at ang muling pagkabuhay ng Panginoon,” bahagi ng mensahe ni Archbishop Cabantan sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng arsobispo na sa matagumpay na pagtawid ni Hesus sa kamatayan ay nanaig ang pag-ibig, kapayapaan at higit sa lahat ang katarungan sa sanlibutan.
Ito rin ay nagpapatunay na higit nangibabaw ang katarungan ng Diyos kaysa sa kasamaan at natubos ang sanlibutan dahil sa pag-alay ng sariling buhay ng anak ng Diyos.
Bukod dito hiniling din ni Archbishop Cabantan sa mananampalataya na ipanalangin ang mamamayang nahihirapan dulot ng pandemya at ang mga katutubo na patuloy nakikibaka para sa katarungan at kapayapaan sa kani-kanilang komunidad.
“Ipanalangin din natin ang mamamayang nagdurusa sa gitna ng pagsasaya ng lahat sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon; ang mga naapektuhan ng pandemya, ang mga lumad na patuloy naghahangad ng kapayapaan batay sa katarungan, paglago ng komunidad ng mga katutubo at proteksyon sa mga lupang minana na nahaharap sa banta ng industriyalisasyon,” ani ng arsobispo.
Sa Pilipinas kadalasang biktima ng red-tagging ang mga lumad dahil sa alegasyon ng pakikiiayon sa rebeldeng grupo.
Unang nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco sa bawat lider ng mga bansa na bigyan ng pantay na karapatan ang bawat mamamayang nasasakupan sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw, pananampalataya at tradisyong kinagisnan.