273 total views
Itigil na ang corruption, panawagan ng Obispo sa ika-34 anibersaryo ng EDSA.
Nanawagan si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa mga namumuno sa bansa na pairalin ang mabuting pangangasiwa sa pamahalaan para sa kapakinabangan ng bawat Filipino.
Sa pagninilay ng Obispo sa paggunita ng ika – 34 na taon ng EDSA People Power Revolution, binigyang pansin nito na ang tunay na malayang mamamayan ay magdudulot ng kapayapaan at pagkakaisa ng lipunan.
“Maghunos dili at maawa naman kayo sa mamamayan; itigil na ang korapsyon, ang paniniil at ang panloloko sa mga mamamayan,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Hinimok din ng Obispo ang taumbayan na manindigan para sa katotohanan,matutuhang magsalita at tumutol sa mga kaganapang hindi nararapat at purihin ang mga ginagawang kapuri – puri na pinakikinabangan ng lipunan.
Inihalimbawa ni Bishop Bacani ang mga pagpaslang sa bansa na dapat tutulan sapagkat ito ay lumalabag sa karapatan ng tao at nagdudulot ng takot sa mamamayan.
“Sapagkat kung tayo’y tumahimik sa kabila ng mga ginagawang pagpatay; ang namamayani ay yung marunong manakot at marunong magpakita na kaya nila ang bayan,” dagdag pa ng obispo.
Sa kasalukuyang tala ng iba’t ibang human rights group, halos nasa tatlumpong libo na ang napaslang sa gitna ng kampanya kontra droga habang noong panahon ng martial law naman ay higit sa tatlong libo ang pinaslang, 35 libo ang pinahirapan habang tinatayang nasa 70 libo ang ipinakulong.
PAMAMAHAYAG
Binigyang pansin din ni Bishop Bacani na malaki ang kaibahan sa pamamahayag sa bansa sapagkat sa halip na umusbong ay umuurong ito bunsod ng panggigipit at mga bantang natatanggap.
“Pagdating sa pamamahayag umurong tayo ng malaki kumpara noon,” ayon kay Bishop Bacani.
Ito marahil sa sistemang pagiging mapanakot ng Pangulong Rodrigo Duterte kung saan pinagagalitan at minumura ang mga kritiko at ang mga pumupuna sa kanyang pamamalakad sa bayan.
Gayunpaman, sinabi ni Bishop Bacani na kumpara noong Martial law may kalayaan pa rin ang mga tao na magpahayag ng kanilang saloobin ngunit ito ay sinisiil kaya’t mahalagang matutuhang manindigan.
“Hindi pa naman kasing lala noon (martial law) pero kung hindi tayo maging mapagbantay, aabot tayo doon sa karanasan noong batas militar,” giit ni Bishop Bacani.
Matatandaang ipinasara ng rehimeng Marcos ang mga istasyon ng radio at telebisyon noong martial law subalit nagpatuloy ang Radio Veritas 846 sa paghahatid ng mga impormasyon at naging daan upang magtipun-tipon ang taumbayan sa EDSA kasunod ng panawagan ni noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin.