2,417 total views
Hinimok ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mamamayan na kumilos at magmalasakit para sa inang kalikasan.
Ayon kay Bishop Uy, ito ay pagtalima sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco ngayong Season of Creation upang manalangin at gumawa ng mga konkretong paraan para sa ating nag-iisang tahanan.
Nanawagan ang Obispo sa mamamayan na magtanim ng mga punongkahoy upang mapangalagaan at mapanatili ang healthy environment para sa mga susunod na henerasyon.
“Malooy sab ta sa magsunod nato ba. Ampingi ang naa sa inyong duol, ug pananum mog kahoy. Atimana ug padak-a,” ayon kay Bishop Uy. (Kumilos tayo, maawa tayo sa susunod na henerasyon. Pangalagaan natin ang ating kapaligiran, magtanim kayo ng mga punong kahoy, alagaan at palakihin ang mga puno.)
Ilulunsad naman ng Diyosesis ng Tagbilaran sa September 4 ang programa bilang bahagi ng pagdiriwang sa Season of Creation sa pangunguna ng Saint Peter the Apostle Parish – Diocesan Shrine of Nuestra Señora de Guadalupe de Extremadura sa Loboc, Bohol.
Nakapaloob dito ang pagtatanim ng mga native tree seedlings sa bahagi ng Birhen sa Guadalupe Hill sa Gon-ob, Loboc.
Tema ng Season of Creation ngayong taon ang Listen to the Voice of Creation na ipagdiriwang sa Pilipinas sa buong buwan ng Setyembre hanggang ikalawang Linggo ng Oktubre upang gunitain ang Indigenous Peoples’ Sunday.