1,544 total views
Ikinatuwa ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church ang maayos na pagdiriwang ng pista ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Tinukoy ni Basilica Rector at Parish Priest Fr. Rufino Sescon Jr. ang matagumpay na Walk of Faith mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church.
Pinuri ng pari ang pakikiisa at pagsunod ng mga deboto sa mga alintuntunin para sa mas maayos na selebrasyon bagamat hindi isinama sa prusisyon ang imahe ng Poong Hesus Nazareno.
“Ito ay isang napakagandang biyayang pagkakataon sapagkat naipamalas ng mga deboto na kayang gumawa ng isang prusisyon na solemne, maayos at nagdadasal na taimtim; natitiyak ko ito’y katanggap-tanggap at ang ating Señor Poong Jesus Nazareno ay nalulugod sa ginawa ng mga deboto,” pahayag ni Fr. Sescon sa panayam ng Radio Veritas.
Ang Lakad Pananampalataya ay inisyatibo ng pamunuan ng basilica sa pangunguna ni Fr. Sescon upang mabigyang pagkakataon ang mga deboto ng Poong Hesus Nazareno na maglakbay sa rutang karaniwang dinadaanan tuwing Traslacion.
Itinuring n Fr. Sescon na makasaysayan ang kauna-unahang Walk of Faith sapagkat naiiba ito sa nakagawiang paglalakbay ng Poong Hesus Nazareno pabalik ng dambana at ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na pamunuan ng pari ang kapistahan matapos maitalagang rector ng dambana noong Nobyembre 2022.
“Nakita ko ang marubdob na debosyon at ang mga deboto rin naman ay naipahayag pa rin ang kanilang pagmamahal sa Mahal na Señor kaya napakaganda, isang makasaysayan at biyayang pangyayari ang naganap na Lakad Pananampalataya,” ani Fr. Sescon.
Sa datos na ibinahagi ni Fr. Earl Allyson Valdez, focal person sa Nazareno 2023 umabot sa dalawang milyon ang dumalo sa kapistahan ngayong taon kung saan unti-unting ibinalik ang mga nakagawiang gawain kaakibat ang ibayong pag-iingat dahil sa nagpapatuloy na banta ng pandemya.
Umaasa ang pamunuan ng Quiapo Church na panatilihin ng mga deboto ang mga natutuhang disiplina upang maipagdiwang ng payapa at maayos ang kapistahan ng Poon tuwing Enero.