377 total views
Pinuri ng British Embassy Manila ang maayos at mapayapang pagdaraos ng 2022 National and Local Elections sa bansa.
Sa pamamagitan ng isang facebook post ay ibinahagi ng British Embassy Manila ang naging obserbasyon nito sa nakalipas na halalan sa bansa.
Ayon sa British Embassy Manila, bilang COMELEC-accredited foreign election observer ay nasaksihan nito ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan upang matiyak ang pagkakaroon ng maayos at mapayapang halalan.
Bukod sa pagbabantay sa kabuuang proseso ng halalan ay personal ding binisita ng mga kinatawan ng British Embassy Manila ang Random Manual Audit na isinasagawa ng Commission on Election (COMELEC) katuwang ang Civil Society Coalition na binubuo ng iba’t ibang grupo ng mga election watchdog.
Binisita din ng mga kinatawan ng British Embassy Manila ang ginawang unofficial parallel count at archiving ng mga Election Returns ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Sinabi ng British Embassy Manila na mahalaga ang ginagawang RMA, unofficial parallel count at archiving ng mga election returns upang matiyak ang katapatan ng nakalipas na halalan.
“As a COMELEC-accredited foreign election observer, the British Embassy Manila has been monitoring the 2022 Philippines elections. Our team was delighted to visit the ongoing Random Manual Audit undertaken by the Civil Society Coalition, as well as the archiving of precinct Election Returns by the Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) — both of which are crucial in ensuring the integrity of the election process. We commend COMELEC, their civil society partners, and Filipinos for their key roles in upholding Philippine democratic values,” mensahe ng British Embassy Manila.
Bukod sa COMELEC at sa iba’t ibang mga grupo at organisasyon na nakibahagi sa pagbabantay sa kabuuang proseso ng halalan, pinuri at kinilala ng British Embassy Manila ang bawat botanteng Pilipino na aktibong nakibahagi sa eleksyon.