284 total views
Mga Kapanalig, Agosto noong nakaraang taon nang pumutok ang kontrobersya sa Philippine Health Insurance Corporation (o PhilHealth) matapos lumutang ang isang whistleblower na nagsabing umabot sa 15 bilyong piso ang nawala sa ahensya dahil sa katiwalian. Nakalaan ang pondong iyon para sa pagtugon ng pamahalaan sa pandemya, ngunit napunta raw sa mga ospital na wala pa noong tinatanggap na kaso ng COVID-19 at sa mga dialysis clinics at paanakan. Malaking bahagi rin ng pondo ang sinasabing ipinambayad sa overpriced na COVID-19 testing kits. Noong buwan ding iyon, nagbitiw ang presidente at CEO ng PhilHealth na si Ricardo Morales. Hanggang ngayon, sinisikap ng PhilHealth na tuntunin ang mga papeles na magpapatunay kung saan talaga napunta ang pondo.
Ngunit may mas malaki pa palang halaga ang pinangangambahang nawaldas. Noong nakaraang linggo, nasilip ng Commission on Audit (o COA) ang ilang butas sa pangangasiwa ng Department of Health (o DOH) sa COVID-19 funds na nagkakahalaga ng mahigit 67 bilyong piso. Bigô raw ang DOH sa pagsunod sa mga regulasyon at sa pagpapatunay na wastong nagamit ang pondo nito. Halimbawa, may mga binili ang DOH na nagkakahalaga ng mahigit limang bilyong piso, ngunit kulang ang mga ito ng dokumentasyon. Napag-alaman ding aabot sa mahigit 95 milyong piso ang halaga ng mga gamot na binili ng DOH pero malapit nang ma-expire o expired na. Namigay din ang kagawaran ng cash allowances, gift certificates, at grocery items na nagkakahalaga ng 275 milyong piso, ngunit wala namang legal na basehan ang mga gastusing ito. Sa isang pahayag, tiniyak ni DOH Secretary Francisco Duque na buo ang pondong ipinagkatiwala sa kagawaran. Wala raw kinurakot, at nagamit daw ang 67 bilyong piso sa mga pinaglaanan nito.
Ngayong patuloy ang pagdaming muli ng kaso ng COVID-19 sa bansa at nasa ilalim na naman ng lockdown ang mga pangunahing lungsod at ilang probinsya sa bansa, talaga namang nakakapanghina ng loob ang mga ganitong balita tungkol sa diumano’y hindi maayos na paggamit ng ating buwis. Mabagal pa rin ang pagbabakuna. Wala pa ring matatawag na mass testing at agresibong contact tracing. Pagod na pagod na ang ating mga health frontliners na kakarampot lamang ang natatanggap na sahod at hazard pay. Punung-puno na ang mga ospital at hindi na makatanggap ng mga pasyente. Marami ang nawalan na naman ng trabaho, nagugutom, at muling umaasa sa maliit na ayuda ng pamahalaan. Hindi na nakapagtataka kung bakit kulelat tayo pagdating sa tinatawag na resilience sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya. Pang-52 tayo sa 53 bansa sa COVID Resilience Ranking ng kompanyang Bloomberg batay na rin sa bahagdan ng mga taong nababakunahan, tindi ng ipinatutupad na lockdown, bilang ng kaso ng mga nagpopositibo, at iba pa.
Totoong kailangang-kailangan ng ating pamahalaan ang kooperasyon ng mga mamamayan sa mga panahon ng krisis katulad ng nararanasan natin ngayon. Ngunit dapat din nating asahan ang ating mga pinunong mamahala nang maayos, malinis, at matapat. Ang mga lider ng pamahalaan, katulad ng sinasabi sa Ebanghelyo ni San Lucas 12:48, ay “binigyan ng maraming bagay” kaya’t sila’y “hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.” Pinagkatiwalaan natin ang mga nasa pamahalaang pangasiwaan ang kaban ng bayan kaya’t dapat lamang nating papanagutin sila kapag hindi maayos ang kanilang trabaho bilang mga lingkod-bayan.
Mga Kapanalig, minsang ipinaalala ni Pope Francis: nangangahulugan din ang pamumuno na gumawa ng pinakamakatarungang desisyon matapos isaalang-alang ang lahat ng mga pagpipilian mula sa pananaw ng personal na responsibilidad at pagtiyak sa kabutihang panlahat. Nakikita ba natin ang ganitong pamumuno sa kasalukuyan nating mga lider sa gitna ng panibagong kontrobersya sa DOH?