465 total views
Nanawagan ng kahinahunan at pag-tugon si Baguio Bishop Victor Bendico sa biglaang pagpapalit ng pamamahala ng Benguet Electric Cooperative (BENECO).
Ayon sa mga kawani ng BENECO, ikatlo ng madaling araw noong Lunes nang sapilitang pasukin ng militar ang tanggapan kung saan sapilitan ikinandado ang mga entrance at exit points ng BENECO .
“I call for sobriety, calmness, and control of emotions in facing the BENECO issue. Along with others, i also denounce the ‘’forceful take over of the offices’’ of BENECO. I expect respect and civility, and refined manners in addressing concerns that beset us” ayon sa opisyal na pahayag ni Bishop Bendico.
Ikinalungkot rin ng obispo ang suliranin ng mga kawani ng BENECO na nataon din sa kalagayan ng mamamayang naapektuhan ng bagyong Maring.
Panawagan din ni Bishop Bendico ang pananalangin ng bawat isa para sa kinakaharap na suliranin ng kooperatiba.
Nagsimula ang suliranin ng BENECO nang itinalaga ng National Electrification Administration (NEA) si Anna Marie Rafael na dating Assistant Secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) upang palitan si Melchor Licoben na kasalukuyang general manager ng kompanya.
Isinasagawa ang kilos protesta ng mga kawani at member-consumer-owners ng kooperitiba upang iparating ang pag-tutol sa sapilitang pagpapalit ng pamamahala ng kompanya.
Giit ng mga ‘consumer’ na mahalagang matiyak ang suplay ng kuryente matapos manalasa ang Bagyong Maring.
Ang BENECO ay itinatag noong october 1973 na pangunahing nagsusuplay ng kuryente sa lalawigan Benguet at ilang karatig lugar.