282 total views
Isang hamon sa paaralan na makapagbigay ng maayos na pasilidad sa mga estudyante.
Ito ang inihayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle matapos nitong pasinayaan ang mga bagong pasilidad ng Sacred Heart of Jesus Catholic School, sa Sta. Mesa Manila noong ika-4 ng Pebrero.
Ayon sa Kardinal, tungkulin ng mga paaralan na patuloy na paunlarin ang kanilang serbisyo upang mas maging epektibo ang paghubog sa mga kabataan.
Samantala, sinabi din ng Kardinal na isang hamon naman para sa mga kabataan na sa pag-unlad ng kanilang paaralan ay mapaunlad din ng bawat isa ang mga sarili at ang pakikitungo sa kapwa.
Ayon kay Kardinal Tagle kahit na gaano kaganda ang paaralan ay mas mahalagang makita ang kabutihan ng mga mag-aaral na pumapasok dito.
Aniya, mas magiging sulit ang mga oras na ginugugol, pagod, at gastos kung makikita ang kagandahan at kabutihang taglay ng mga estudyante na higit pa sa mauunlad na pasilidad ng isang paaralan.
Naniniwala si Cardinal Tagle na ang bawat paaralan ay ipinagkakatiwala sa mga magulang, guro at estudyante upang maging daan ito ng mas mabuting paghubog sa mga kabataan.
Ang Sacred Heart of Jesus Catholic School ay bahagi ng mahigit sa 1, 400 Catholic School members ng Catholic Educational Association of the Philippines.
Layunin nito na patuloy na makapaghatid ng kalidad na edukasyon at hubugin ang pananampalataya at mabuting pag-uugali ng mga kabataang Filipino.
KUMAPIT KAY HESUS, LABANAN ANG KASAMAAN
Samantala, hinimok din ni Kardinal Tagle ang mga mananampalataya lalo na ang mga kabataan na tulad sa mga pagbasa ay maging malakas sa paglaban sa kasamaan.
Sinabi nito na kung si Hesus ay mas malakas sa anumang kasamaan, marapat lamang na panatilihin ng bawat Kristiyano ang kanilang pagkapit sa Panginoon upang ito ang magsilbing bukal ng katapangan ng pananampalataya ng bawat isa.
Binigyang diin ng Kardinal na kung ang bawat Kristiyano ay nakaugat kay Hesus, ang bawat katoliko ay magiging daan ng katapangan at kalakasan ng Panginoon at hindi daan ng masasamang gawi ng demonyo.
Naniniwala din ito na ang pananalig at pag-asa ng bawat tao sa Panginoon ay magdudulot ng kapayapaan sa puso ng bawat tao at sa huli ay may naghihintay na gantimpala sa buhay ng mga nakasalig kay Hesus.