1,673 total views
Kung magpapatuloy ang paghina ng piso kontra dolyar ay tataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ito ang inihayag ni Philippine Amalgamated Supermarkets Association (PAGASA) president Steven Cua.
Aniya, hindi naka – apekto ang mga banat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lider ng ibang bansa bagkus ito ay dulot na rin ng pagtaas ng presyo ng pandaigdigang bilihin.
Ngunit siniguro naman ni Cua na nanatili ang price freeze sa mga supermarket dahil na rin sa pagsubaybay sa presyo ng mga produkto sa pamilihan ng DTI o Department of Trade and Industry at matapos ring i – anunsyo ni Pangulong Duterte ang state of lawless violence.
“Kung continuous ang increase ng global prices for fuel and the exchange rate is continuously unfavorable first in the dollar and well we could expect a little bit of increase in prices that’s natural. It has nothing to do with the political scene; it has more to do with the world prices. It will affect over the period of time. Again, katataas lang naman over the number of years hindi naman nagtaas, supply and prices are still stable right now,” bahagi ng pahayag ni Cua sa panayam ng Veritas Patrol.
Gayunman, kahit na nakaamba ang pagtaas ng presyo ng bilihin bago ang Kapaskuhan ay pinaalalahanan ni Cua ang mga mamimili na bumili na ng mga ihahanda sa Noche Buena na hindi agad nasisira tulad ng pasta at mga de lata.
Iginiit pa ni Cua na maliban sa mataas na halaga ng bilihin ay makakaiwas na rin ang mga konsyumer sa mahahabang pila, traffic at inconvenience kung maaga silang makakapamili ng kanilang ihahanda sa kapaskuhan.
“If you really want to prepare for Christmas and you have a little budget on your side, start items na matagal naman ang buhay, pasta, canned good, matagal ang buhay niyan. You can start settling them aside already. Don’t forget na nakabili kana yun lang ang problema, you start buying now hindi lang naman yung presyo ang pinag – uusapan kundi yung haba ng pila, traffic, parking, inconvenience and yung out of stock,” giit pa ni Cua sa Radyo Veritas.
Nabatid na batay sa pag – aaral 87 porsiyento ng kabuuang 100 milyong populasyon ng bansa ang tumutungo sa mga malls tuwing sasapit na ang Kapaskuhan. Nauna na ring ipinaalala ng Simbahang Katolika na hindi nasusukat ang diwa ng kapaskuhan sa handa sa lamesa kundi sa tunay na pagpapadama ng malasakit sa mga mahihirap.