1,299 total views
Mariing tinututulan ng advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagbabawas ng royalty rate sa pagmimina mula limang porsyento hanggang tatlong porsyento.
Ayon kay Caritas Philippines President at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang pagbabawas sa royalty rate na ipinapanukala ng kongreso ay malinaw na pagtataksil sa mamamayan, lalo na sa mga pamayanang apektado ng pagmimina.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na ang royalty shares ay dapat ibigay ng mga kumpanya ng pagmimina sa mga pamayanan bilang kabayaran sa mga pinsalang dulot ng minahan, sa halip na gamitin para sa pansariling kapakinabangan.
“The reduction of the royalty rate will only benefit the mining companies and their shareholders while leaving the communities to bear the brunt of the environmental and social costs of mining,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Babala naman ng obispo na ang pagbabawas sa royalty rate ay magiging pagsubok para panagutin ang malalaking mining companies sa pinsala sa kalikasan at pamayanan.
Sinabi ni Bishop Bagaforo, nakababahala na mas mapapadali nito ang pagpapahintulot upang lumago pa ang industriya ng pagmimina sa bansa dahil mababawasan ang mga susunding environmental regulations.
“With the lower royalty rate, mining companies are incentivized to comply less with environmental and social regulations. This will put the welfare of the communities and the ecosystems at risk,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Matagal nang naninindigan ang Caritas Philippines sa pagtutol sa operasyon ng pagmimina na sumisira sa likas na yaman ng bansa, at umaabuso sa karapatan ng mga apektadong pamayanan.
Naniniwala ang simbahan na maraming pamamaraan ang maituturing na ligtas tungo sa hangaring mapaunlad ang ekonomiya ng bansa, sa halip na patuloy na mamuhunan sa mga mapaminsalang proyekto.