195 total views
Nanawagan ang National Council Commuters Protection (NCCP) kay presumptive President Davao City Mayor Rodrigo Duterte na agarang solusyunan ang mga problema sa trapiko partikular na sa Metro Manila.
Ayon kay NCCP president Elvira Medina, tulad ng naipangako nitong pagsugpo sa krimen at droga ay matuldukan rin nawa ni Duterte sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan ang problema sa rail transit system sa bansa na siyang magbabawas ng pagsikip ng trapiko sa lungsod.
“Ang challenge ni Mayor Duterte ay kung gaano niya kabilis masasagutan yung, mabibigyan ng solusyon yung problema ng commuters. Katulad ng sa MRT araw – araw 530, 000 ang gumagamit ng MRT at wala pa kaming nakikitang malinaw na solusyon doon kung siya ay doer katulad ng sinasabi niya ay nais naming makita na yun ay matutugunan niya. Kahit hanggang 3 hanggang 6 na buwan tutal sinasabi niya sa kriminalidad,” bahagi ng pahayag ni Medina sa panayam ng Veritas Patrol.
Nakikita ring solusyon ni Medina ay ang pagpapasa-ayos ng Philippine National Railway cargo system upang maiwasan na ang pagdudulot ng matinding trapik ng mga cargo trucks sa Metro Manila.
“Ang suggestion namin kung tungkol naman sa traffic kailangan ibalik kaagad ang operation ng PNR Cargo dahil sa aming pagsisiyasat, pagsusuri nakita namin na napakalaking factor yung mga trak, mga container van na dapat sana gumagamit ng train system natin ng PNR pero ng putulin yung serbisyo ng PNR imbes na ito ay i – rehabilitate ito ay pinutol. Ang sabi ng mga taga – insider ng PNR pwede pa naman daw ayusin at pwedeng gamitin. Kahit yung lang PNR Cargo immediately doable gusto naming makita para ma – unclog yung traffic,” giit pa ni Medina sa Radyo Veritas.
Nabatid na nangunguna na ang Pilipinas partikular na ang Metro Manila sa mga lugar na may pinakamalalang sitwasyon ng trapiko sa buong mundo ayon sa pag-aaral ng Global Driver Satisfaction Index ng traffic gayundin ng navigation application na Waze.
Base ito sa isinagawang pagsusuri ng Waze sa driving experience ng kanilang 50 milyong users sa 32 bansa o 167 metro areas, lumitaw sa city level na nakakuha ng score na .4 ang Metro Manila sa mga lugar na may pinakamalalang trapiko sa scale na 1 hanggang 10 kung saan, 1 ang pinakamababa.
Sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency o JICA, nasa P3 hanggang P4 bilyon ang nawawala sa kaban ng bayan kada araw dahil sa mabigat na daloy ng trapiko.
Sa social doctrine of the church, hinihimok ng Simbahan ang pamahalaan na gumawa ng mga hakbang at programa na kasamang mabebenepisyuhan ang mayorya sa lipunan katulad ng mahihirap.