385 total views
Kinakailangan nang magkaroon ng panibagong batas o ordinansa na magpapabigat sa parusa kaugnay sa medical waste disposal.
Ito ang naging tugon ni environment lawyer Atty. Galahad Richard Benito sa maling pagtatapon ng mga infectious medical waste lalo na ngayong panahon ng Coronavirus pandemic.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Atty. Benito, sinabi nitong ang medical waste ay hindi nasasaad sa Hazardous Waste Act at napakababa ng parusang ipinapataw sa mga lumalabag dito.
“The term solid waste excludes medical waste. Even if those who illegally dumped the waste are prosecuted for simple dumping, the penalty is very low. It is also not hazardous or toxic waste under the Hazardous Waste Act. We need a new law or ordinance regarding medical waste disposal,”, ang bahagi ng pahayag ni Atty. Benito sa Radyo Veritas.
Noong nakaraang Miyerkules, natagpuan sa isang kalsada sa Sampaloc, Manila ang nagkalat na mga gamit na rapid test kit na maaaring may COVID-19 na nagmula sa CP Diagnostic Center, isang medical laboratory na matatagpuan sa Quiapo, Maynila.
Nahaharap ang nasabing laboratoryo sa paglabag sa Republic Act No. 9003 o An Act Providing For An Ecological Solid Waste Management Program at Republic Act No. 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990.
Napag-alaman din sa Bureau of Permits and Licenses Office (BPLO) ng pamahalaang lungsod ng Maynila na ang CP Diagnostic Center ay walang sanitary permit at expired na rin ang kontrata nito sa nakatalagang taga-pangolekta ng mga medical waste nito.
Ayon sa Catholic Social Teaching, bagamat pabor ang Simbahan na kumita ang isang mamumuhunan, kinakailangan na ang negosyo nito ay hindi nagdudulot ng kapahamakan sa kalusugan o sa buhay ng tao.