6,552 total views
Kinilala ng social at humanitarian arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang agarang pagtugon ng social action ministries ng bawat diyosesis na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Ayon kay Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang mabilis na pagkilos ng bawat social arm ay patunay na nakatulong at epektibo ang mga ibinahaging pagsasanay hinggil sa kahandaan sa pagtugon sa mga sakuna at kalamidad.
“Nagpapasalamat kami sapagkat ang ating mga individual caritas sa mga dioceses, ang ating mga social action ministry ng bawat diocese, ay very actively responded sa nangyaring mga sakunang ito. In other words, nagpapasalamat tayo na hindi nasayang ang training na ibinigay natin sa mga social action network natin in terms of disaster management response nila,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ng obispo na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng humanitarian department ng Caritas Philippines sa pangunguna nina Jeanie Curiano at Ava Guardian upang matukoy ang kalagayan ng mga apektadong diyosesis at agad na makapagpadala ng tulong.
Sinabi ni Bishop Bagaforo na ang mga natatanggap na ulat sa kalagayan ng mga nasalantang diyosesis ay ipinapadala sa tanggapan ng CBCP secretary general upang maipabatid din sa iba pang obispo at makapangalap ng tulong.
“Gumawa tayo ng panawagan sa lahat ng obispo sa lahat ng dioceses na kung maaari magkaroon sila ng special collection this coming Sunday o di kaya’y magkaroon sila ng sariling fund raising para maipon natin lahat at mapadala sa mga affected areas talaga,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Sa kasalukuyan, nakapagpadala na ng financial assistance ang Caritas Philippines sa mga diyosesis sa Bicol Region habang inihahanda na rin ang para naman sa iba pang apektadong lugar sa Luzon.
Sa mga nais naman magbahagi ng tulong, bisitahin lamang ang facebook page ng Caritas Philippines para sa kumpletong detalye ng bank accounts.
Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa higit dalawang milyong indibidwal o higit 430-libong pamilya mula sa 35 lalawigan sa bansa ang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Kristine.