49,277 total views
Mga Kapanalig, kapag tayo ay tumawag sa Diyos, sabi sa Isaias 65:24, ang Kanyang tugon ay mabilis.
Sa inyong karanasan, ganito rin ba ang tugon ng ating gobyerno sa tuwing ang mga mamamayan ay tumatawag sa kanila upang humingi ng tulong? Mabilis din ba itong sumagot sa ating tawag?
Siguro, para sa ating mga kababayang nasa Morong, Rizal, ito ay magkakatotoo na. Noong ika-6 ng Mayo kasi, inilunsad ng kanilang munisipyo ang Emergency 911 Command Center, na sinasabi nilang may enhanced emergency response and public safety system. Ito rin daw ang pinakaunang pasilidad sa bansa na may next generation 911 technology, kung saan maaaring makita ang lokasyon ng caller at pinakamalapit na first responder sa kanyang lokasyon. Ayon kay Mayor Sidney Soriano ng Morong, binuo nila ang kanilang 911 Command Center dahil nais ng kanilang local government unit (o LGU) na mabisa at mabilis na matugunan ang mga emergency at crisis situations ng kanilang mga mamamayan.
Alinsunod din ito sa Executive Order noong 2018 ni dating presidente Duterte, kung saan itinakda ang 911 bilang national emergency hotline. Inatasan din ang mga LGU na magtayo ng local call centers ng 911 gamit ang kanilang pondo. Ayon sa National Emergency 911 Executive Director na si Francis Fajardo, kung walang local call center ang isang LGU, mapupunta muna sa national headquarters ng 911 center ang tawag ng isang mamamayan bago maipasa sa LGU mismo. Ibig sabihin, kung ang mamamayang tumawag ay may urgent na pangangailangan, gaya ng first aid o ng ambulansya, hindi agad-agad makareresponde ang LGU dahil dadaan muna ito sa national headquarters. Ang kaso, umaabot sa 60,000 na tawag araw-araw ang napupunta sa national headquarters, na may 11 na empleyado lamang bawat shift.
Kaya naman, itinutulak ng gobyernong magkaroon ng local 911 call center ang lahat ng LGU pagdating ng 2028. Noong Marso, nasa 30 pa lang daw ang bilang ng local 911 call centers sa bansa. Kung bawat siyudad at munisipalidad ang lalagyan, malayu-layo pa ang hahabulin ng gobyerno—may 149 na siyudad at 1,485 na munisipalidad sa bansa. Libo-libo pa ang kailangan, kung nasa 1,634 ang kabuuang bilang ng local 911 call centers ang itatayo.
May apat na taon pa upang maisakatuparan ang sinabi ni Director Fajardo na magkaroon ang lahat ng LGU ng local 911 call center. Hindi lamang ang mga may sakit at karamdaman ang makikinabang dito, kundi pati rin ang mga nakararanas ng mga sakuna gaya ng bagyo, pagsabog ng bulkan, lindol, baha, at sunog. Kaya naman, ang pagkakaroon ng mga local 911 call center ay talaga ngang makatutulong sa mga LGU na mas mapakinggan, maabot, at matulungan ang mga nangangailangan nilang mamamayan.
Mga Kapanalig, gaya ng sabi sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, ang isang lipunan ay hindi magiging maayos at maunlad kung walang namumuno na nagtatrabaho para sa interes ng mga mamamayan. Ang pagtugon sa mga taong nangangailangan ng agarang tulong ay obligasyon ng mga namumuno. Para sa ikabubuti ng mga mamamayan, sundan sana ng ibang LGU ang yapak ng Morong sa paglunsad ng kanilang sariling 911 call center.
Sumainyo ang katotohanan.