2,446 total views
Alam niyo ba na base sa opisyal na datos, umaabot ng 18.1% ng ating populasyon ang bilang ng mahirap sa ating bansa? Katumbas ito ng halos 20 milyong Pilipino. Napakarami nito, kapanalig. Kailangan na nating matugunan ang kanilang sitwasyon. Ano nga ba ang pinakamabisang paraan upang mawaksi ang kahirapan sa ating bansa?
Siguro, kapanalig, kailangan na nating suriin ng mabuti ang ating anti-poverty programs. Tila hindi ito nagiging sapat dahil marami pa rin ang naghihikahos sa bayan. Ang pagkakaroon ng maayos na trabaho ang dapat maging prayoridad ng ating mga anti-poverty programs. Ngayon, kahit pa nga tumataas ang ating employment rate, marami pa rin ang mahirap sa bansa. Base sa opisyal na datos, 95.3% ang employment rate sa bansa nitong Marso 2023, mas mataas pa sa 94.2% noong nakaraang taon.
Good news sana ito, kaya lamang marami pa rin ang naghihikahos at bitin ang sweldo. Karamihan sa ating maralita, kahit pa may trabaho, ay hirap pa rin makatikim ng ginhawa. Malaki kasing porsyento sa hanay nila ay nasa informal sector, kung saan ang trabaho ay maliit ang sweldo, matumal ang kita, at halos walang pahinga. Kumbaga, pag nag absent ka, wala na rin kita. Pag nagkasakit ka, mabubutas pa lalo ang bulsa. Ang kita ng ordinaryong maralitang Filipino ay laging isang hibla ang layo sa karalitaan – konting aberya, wala ng makakain.
Pagkain pa lamang yan, kapanalig. Sa maralita, pagkain ang unang ginhawa, at minsan, ito lamang ang ginhawa na kanilang malalasap. Kasi, ang lebel ng kita nila, pagkain lang ang kaya, at hindi pa ito masustansya. Hindi nito nasasakop, halimbawa, ang disenteng tahanan, edukasyon, o miski kalusugan, na pundasyon ng ating buhay.
Kailangan ng ating bansa, kapanalig, na tingnan ang kahirapan hindi lamang bilang kakulangan ng trabaho o katamaran ng tao, kundi isang malalalim na suliranin na kailangan ng komprehensibong tugon. Halimbawa, kahit pa bigyan natin ng trabaho ang mamamayan upang magkaroon ng oportunidad na guminhawa ang buhay, ang trabaho na maaaring makuha niya ay nakadepende din sa kanyang kaalaman at kasanayan. Kung walang skills, ang trabahong makukuha ay hindi de kalidad at sustainable. Kung wala ring kalusugan, hindi din makakatrabaho. At kung makatrabaho man, kung walang social protection, magkaroon lang ng konting aberya, ubos agad ang kita, at madilim na ulit ang hinaharap.
Kapanalig, upang mawaksi ang kahirapan, kailangan natin ng investments sa kalusugan, edukasyon, pati na sa social protection. Ang trabaho ay unang hakbang pa lamang, at kailangan agad masundan. Kapag ating nagawa ito, kinikilala natin ang dignidad ng ating kapwa-Pilipino. Ang pagkalinga at pagkilala sa mahirap, ay pagkalinga at pagkilala sa sangkatauhan. Sabi nga sa Populorum Progressio: The advancement of the poor constitutes a great opportunity for the moral, cultural, and even economic growth of all humanity.
Sumainyo ang Katotohanan.